MUKHANG hindi pa nakaahon ang kasalukuyang pamunuan ng Kamara de Reresentantes, sa pangunguna ng nanalong speaker na si Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco, mula sa pagkapanalo laban sa kampo ni Taguig – Pateros Rep. Alan Peter Cayetano dahil maraming suliranin itong hindi naaksyonan.
Ang kagyat at putok na balita ngayon sa Kamara ay ang 98 empleyado nito na nagkaroon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa balitang nababasa ko mismo rito sa SAKSI Ngayon, itong 98 ay naganap mula lamang nitong Nobyembre, batay sa kumpirmasyon ni House Secretary-General Mark Liandro “Dong” Mendoza.
Iba pa ang 93 kaso mula Marso hanggang Oktubre.
Sa 98 na kaso, 59 dito ang ma nakatira sa Quezon City, samantalang ang iba ay sa ibang lungsod na.
Literal na malala ang problema ni Velasco sa COVID-19 sa Kamara.
Tapos, iginiit ni Mendoza na “walang outbreak”.
Kaya, walang dapat ipagtaka kung manawagan ang mga empleyado kay Velasco mismo ng ganito: “We are appealing to House Speaker Velasco, hindi biro ang 93 cases mula March hanggang October at 98 cases pa sa buwan lang ng Nobyembre. Baka kailangan munang isara [ang Kamara] at magkaroon ng disinfection. Hinihingi rin namin ang transparency ng House leadership, bakit ngayon (Disyembre) lang kayo nagre-report ang laki na ng cases”.
“Sa loob ng isang buwan walang comprehensive report na sina-submit ang Kamara sa CESU (Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit), ‘yung mga nagpositive na asymptomatic baka gumaling na at nakapanghawa na ng iba. Kung ganito na kalaki ang problema ay sana aminin na ng House leadership para magkaroon na ng intervention ang DOH (Department of Heath), huwag nilang pagtakpan ang mga naging lapses, bago pa may mamatay na naman”, panawagan ng mga empleyado kay Velasco.
Sa mga nagkaroon ng COVID-19, lima ang namatay kung saan dalawa rito ay mga kongresista.
Mayroong 8,000 kawani ang Kamara, kasama ang mga kontraktuwal at security guards.
Pero, 2,000 lang ang isinailalim sa testing.
Tapos, pumapasok ang mga ito sa Kamara mula sa kanilang tinitirahan.
Pokaragat na ‘yan!
Ang masama pa, 40 lang ang bilang ng mga nagkaroon ng COVID-19 na ipinarating ng Kamara sa QC-CESU, banggit ng hepe ng huli na si Dr. rolly Cruz.
Ipinaalala ni Cruz na “24 – hour reporting” ang itinakda ng DOH upang magawan ng kongkretong hakbang na magkokotrol sa pagkalat ng virus.
Sa ilalim ng 2020 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act o 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act malinaw na
itinakda sa Rule VI na “whether public or private, all are required to accurately and immediately report notifiable diseases and health events of public health concern” kung saan kasama ang COVID-19.
Multa at isang buwang pagkakakulong ang parusa sa paglabag sa nasabing batas.
Ngunit, kung opisyal ng pamahalaan ang lumabag, pagsibak sa tungkulin sa posisyon ang parusa.
Kayo na ang sumagot kung lumabag, o hindi, si Speaker Velasco at ang kanyang mga kasamahang pinuno ng Kamara sa batas laban sa COVID-19.
166 