IDINIIN ng Social Security System (SSS) na tuloy sa susunod na taon ang umento sa binabayaran ng mga miyembro ng ahensyang namamahala ng pondo sa pensiyon ng mga manggagawa sa pribadong kumpanya.
Mula sa kasalukuyang 12 porsiyento ng sahod ng mga manggagawa ay magiging 13% na ang buwanang hulog.
Ang nasabing pagtaas ay magkakaiba ang aktuwal na halaga dahil depende ito sa buwanang sahod ng mga manggagawa.
Malaking parte rito ay ang kapitalista ang nagbabayad sa SSS bilang katapat sa hulog ng kanilang mga manggagawa.
Ayon sa SSS, ang layunin ng isang porsiyentong umento ay upang mapalaki pa ang pondo ng ahensya sa pensiyon ng mga manggagawa.
Nakabatay ang pagtaas sa Republic Act 11199, o Social Security Act of 2018.
Tiniyak ng SSS na tuloy sa 2021 ang implementasyon sa umento alinsunod sa ipinag-utos ng R.A. 11199 kahit milyun-milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho mula nang manalasa ang COVID-19 sa bansa mula noong huling bahagi ng Marso ng kasalukuyang taon.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), milyun-milyong manggagawa pa rin ang hindi nakahahanap ng panibagong trabaho mula nang matanggal noong ikalawang kwarter ng kasalukuyang taon.
Napakarami rin sa mga manggagawa ang huminto sa paghahanap ng trabaho dahil kakaunti pa lamang ang mga kumpanyang tumatanggap ng mga bagong empleyado.
Sa Disyembre 10 at 11 ay mayroong online job fair ang Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan mahigit 21,000 trabaho ang ilalatag kabilang na sa ibang bansa.
Ito ay bahagi ng kongkretong hakbang ng pamahalaan upang magkaroon ng trabaho ang mga natanggal sa maraming kumpanya. (NELSON S. BADILLA)
205
