UMAPELA ang isang senador kay vaccine czar Carlito Galvez na bilisan pa ang proseso ng pagpili ng bakunang gagamitin sa bansa.
Ayon kay Senador Christopher Bong Go, dapat makarating na agad sa local government units (LGUs) ang bakuna para makapagbakuna na ng mamamayan bagama’t dapat unahin ang frontliners tulad ng mga doktor, nurse, guro, sundalo at pulis.
Sa kabila nito, buo pa rin aniya ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Galvez.
Samantala, inamin ni Go na wala itong matukoy na petsa kung kailan talaga darating sa bansa ang mga bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Go, ang tanging alam nito ay ongoing pa ang mga negosasyon para pirmahan sa pagitan ng pribadong sektor at gobyerno, ang mga private business corporation na handang bumili ng bakuna na gagamitin sa kanilang mga tauhan habang ido-donate naman sa gobyerno ang kalahati.
Sinabi ng senador na nakikipagtulungan na ang pribadong sektor at hindi iniaasa lang sa gobyerno ang pagbili ng bakuna.
Inihayag ni Go na nakasalalay sa bakuna ang panunumbalik ng bansa sa normal na pamumuhay. (NOEL ABUEL)
106
