NAGHIHINTAY ang administrasyon ni Mayor Lino Cayetano sa bakuna na ibibigay ng pambansang pamahalaan na siyang pangunahing ituturok sa mga residente ng Lungsod ng Taguig upang maging ligtas mula sa COVID-19.
Matapos gamitin ang bakunang galing sa pamahalaang nasyonal, gagamitin naman ng pamahalaang lungsod ang bakunang inorder ng huli mula sa AstraZeneca, pahayag ni Cayetano.
“The national government’s allotment will come first. We expect it during the first quarter but that will be for medical frontliners and the vulnerable sectors so we have already been preparing our vaccination sites and vaccination protocols,” paliwanag ni Cayetano.
Tantya ni Cayetano, sa huling kwarter ng taong darating ang order na bakuna ng kanyang administrasyon.
Bukod sa AstraZeneca, bibili rin ang pamahalaang lungsod mula sa ibang kumpanya, susog ng alkalde.
Ngunit hindi binanggit ni Cayetano kung isa sa mga bibilhan nito ng bakuna ay ang Sinovac Biotech ng China.
Napakakontrobersiyal ng bakuna ng Sinovac dahil bukod sa 50 porsiyento lamang ang bisa nito ay P1,814 ang presyo ng bawat isang turok.
Napakalayo sa presyo ng Sinovac vaccine sa Indonesia at Thailand na wala pang isang libo kada turok, ayon sa ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson noong Lunes sa Senado.
Sa kasalukuyan, ang pambansang pamahalaan pa lamang ang umorder ng 25 milyong doses ng bakuna mula sa Sinovac.
Noong Setyembre ng nakalipas na taon nagsimulang maghanda ang pamahalaang lokal hinggil sa pagbabakuna sa mga residente ng Taguig.
Isang bilyon ang inilaang pondo ng administrasyon ni Cayetano para sa libreng pagbabakuna.
“We want, however, all Taguigeños to have access to the COVID vaccine. All LGU procurement of vaccines, we are told, will come after the national government allotment and that will be sometime during the last quarter of 2021”, saad ni Cayetano.
Hanggang nitong Enero 17, nasa 51 ang kumpirmadong aktibong kaso ng COVID-19 sa Taguig.
Mula ‘yan sa kumpirmadong 10,995 kasong naitala mula 2020. Sa bilang na ito, 178 ang mga namatay sa COVID-19.
Batay rito, muling nanawagan si Cayetano sa mga residente ng lungsod na tiyaking regular na suot ang face masks, face shield at pairalin ang isang metrong distansiya sa bawat isa kapag nagpupunta ang mga residente sa mga pampublikong lugar, lalo na sa maraming tao.
Hindi maipagkakailang napakarami pa ring residente ng lungsod ang hindi tuluy-tuloy ang pagsunod at pagpapatupad sa Anti-COVID-19 protocols na itinakda at ipinag-utos ng Department of Health (DOH). (NELSON S. BADILLA)
