Dating “special assistant to the president” si SAP Christopher Lawrence “Bong” Go at kabilang sa kanyang trabaho noon sa Malacañang ang pagiging kalihim ng presidential management office kung saan dumadaan lang lahat ng presidential appointees sa pamahalaan.
Nagbitiw si Bong Go bilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte nang maghain ito ng certificate of candidacy bilang senador at ngayong araw na ito (Pebrero 12) ang simula ng 90-araw na kampanya para sa mga tumatakbong senador at party-list representatives.
Nagkaroon ng bagong kahulugan ang SAP ni Bong Go na ang ibig sabihin ngayon ay “special assistant to the people” at kung papalarin sa eleksyon sa Mayo 13 ay puwedeng maging “senator assisting the people.”
Noong Linggo ay nakakuha ng suporta si Bong Go mula sa limang gobernador ng Region 4-A na mas kilala sa tawag na Calabarzon – para sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Sa isang “manifesto of support” na nilagdaan ng limang gobernador sa EDSA Shangri-La Hotel, nanindigan sina Gov. Jesus Crispin Remulla ng Cavite; Gov. Ramil Hernandez ng Laguna; Gov. Hermilando Mandanas ng Batangas; Gov. Rebecca Ynares ng Rizal at Gov. David Suarez ng Quezon na kanilang sisiguruhin ang panalo ni Bong Go sa Calabarzon sa pagka-senador.
Noong nakaraang 2016 elections, may pinakamalaking bilang ng registered voters nationwide ang Calabarzon na umabot sa 7.6 million voters. Ngayong 2019, tinataya ng Commission on Elections na umabot na sa 8.8 million ang rehistradong botante sa buong Region 4-A.
Top 3 ang target ng mga gobernador ng Calabarzon para kay Bong Go at maging ang mga mayor at ibang pang lokal na opisyal ng Region 4-A ay nagpahayag ng suporta sa dating kalihim.
“Nangangako kami na pangunahan ang mga mamamayan sa aming mga probinsya para dalhin sa Senado si Bong Go. Kaugnay sa ganitong layunin, buong karangalan naming idinedeklara si Bong Go, na isa ring Batangueno, bilang anak ng buong Calabarzon region,” ang naging pahayag ng mga gobernador sa dalawang-pahinang manifesto.
Sinabi ni Quezon Gov. Suarez na makasaysayan ang nangyaring pagtitipon sa EDSA Shangri-La Hotel dahil ngayon lang nagkaroon ng unified stand ang mga gobernador ng Calabarzon para sa isang kandidato sa pagka-senador.
“SAP Bong Go makakaasa po kayo na ang probinsya ng Quezon is behind you 110 percent,” ani Suarez na nagpasalamat din kay Bong Go dahil sa mga development projects ng pamahalaan sa kanyang lalawigan.
Silent worker na maituturing si SAP Bong Go dahil hindi siya ang tipong mahilig magpa-press release ng kanyang mga naitulong sa mga mamamayan ng Calabarzon.
Bilang special assistant to the president, kuntento na si Bong Go na nasa tabi ng pangulo para ilista ang mga mga instruction ng pangulo at gayundin ay magbigay ng napapanahong impormasyon sa punong ehekutibo.
Ito ang naging tugon ni Bong Go sa suporta sa kanya ng mga gobernador ng Calabarzon: “Ipinagbilin niya sa akin, sabi niya: ‘Di ka magkakamali Bong gawin mo lahat para sa Pilipino. Serve the Filipino first, hindi ka magkamamali. Asahan n’yo pareho kami ni Pang. Duterte, interes ng Pilipino po ang uunahin namin bago ang lahat.”
Sakaling maging senador si Bong Go, kasama sa kanyang legislative agenda ang pagtatayo ng karagdagang mga “Malasakit Center” sa mga lalawigan at sentrong urban kung saan makakakuha ng serbisyong medikal at suportant pinansyal ang mga mahihirap nating kababayan na nangangailangan ng tulong mula sa Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes Office at PhilHealth. (SIDEBAR / RAYMOND BURGOS)
