MASOSOLUSYUNAN na ang problema sa takot ng marami ngayon na magtungo sa mga ospital para magpakonsulta.
Ito ang layunin ng inilunsad na The Medical City – South Luzon.
Ang TMC-SL ay mobile clinic na iikot sa harap ng nararanasang pandemya ng bansa at tumataas na pangangailangan sa pangangalagang pangkalusugan.
Pinangunahan ni Sta. Rosa City, Laguna Mayor Arlene Arcillas ang pagputol ng laso para sa pagugulunging mobile clinic.
Ayon kay Dr. Jose Enrico Juliano, isang ophthalmologist at tumatayong chief operating officer ng TMC-SL, ang mobile clinic ay dinisenyo upang magbigay ng malawakang de- kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Kabilang sa mga ito ang laboratory at diagnostic services tulad ng X-ray at ECG, screening ng paningin, referrals sa ophthalmologists at iba pang ispesyalista para sa teleconsultation.
Layon ng mobile clinic na mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa lahat ng empleyado sa industrial parks gaya ng Laguna Technopark Inc., Laguna International Industrial Park, Carmelray 1 at
2, First Philippine Industrial Park, gayundin sa mga residente sa katabing komunidad upang mabigyan sila ng madali at kumbinyenteng paraan ng pagpapakonsulta.
“Nais naming ilapit sa tao ang mga serbisyong ginagawa sa ospital upang hindi na sila kailangan pang pumunta ng mga pagamutan,” ani Luciano.
Ayon naman kay Dr. Cesar Espiritu, presidente at CEO ng TMC-SL, nabuo ang konsepto ng mobile clinic dahil sa nararanasan ngayong pandemya sa COVID-19.
Magtatakda ng regular na pagbisita kada lingo sa iba’t ibang kompanya at mga komunidad ang mobile clinic para sa mas madali at mas ligtas na serbisyong pangkalusugan.
Para sa karagdagang kaalaman o pagpapalista, maaaring tumawag sa (049) 3033000/ 0920-9814454 o mag-email sa tmcsl-marketing@themedicalcity.com.
Dating kilala bilang Southern Luzon Hospital and Medical Center (SLHMC), karamihan sa mga pasyente ng TMC-SL ay mula Southern Luzon, partikular na sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas at Cavite.
Itinalaga ito ng lokal na pamahalaan ng Santa Rosa bilang pangunahing referral center para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Mayroon itong hiwalay na pasilidad para sa mga pasyenteng may covid na tinawag nilang “Complex of Hope,” kung kaya itinuturing ito na isa sa mga pinakaligtas na ospital sa rehiyon.
Ang TMC-SL ay isa sa mga may makabagong pamamaraan sa panggagamot at may pinaka-komprehensibong Eye Center sa rehiyon.
Upang higit na maserbisyuhan ang taumbayan, nakatakda rin itong maglunsad ng Cardiovascular Center, HIV Treatment Hub, Kidney at Stone Center, ENT Center at Neuro Critical Care Unit. (CYRILL QUILO)
222
