PATULOY ang isinasagawang imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) kaugnay sa dalawang binatilyo na natagpuang patay at palutang-lutang sa karagatan sa Isla Puting Bato, sa lungsod ng Maynila kamakailan.
Blangko pa rin sa kasalukuyan ang pulisya hinggil sa motibo ng “salvage” at kung sino ang dapat managot sa krimen na sinasabing may anggulong “gang war”.
Kinilala ang mga biktimang sina Carl Justine Banogon, kaanib ng Batang City Jail, at Chormel Buenaflor, kapwa 15-anyos at nakatira sa hindi kalayuan sa lugar kung saan sila natagpuang walang buhay.
Sa report ng Manila Police District – Homicide Section, magkahiwalay na natagpuan ng kanilang mga kaanak ang bangkay nina Banogon at Buenaflor sa dagat sa Isla Puting Bato, na kapwa tadtad ng saksak ang ulo, mukha at katawan.
Ayon sa report ng pulisya, huling nakitang buhay ang dalawa noong nakaraang Enero 31.
Sa inisyal na ulat ni P/Capt. Henry Navarro, hepe ng MPD-Homicide Section, dinukot umano ang mga biktima sa magkahiwalay na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng pulisya, magkakilala ang dalawa ngunit hindi magkabarkada at may pagkakahawig ang paraan ng pagpatay sa mga ito.
“Meron silang mga grupo tulad nitong si Buenaflor, isa pala siyang miyembro ng Batang City Jail. So tinitingnan natin kung meron siyang record ng ‘misdemeanor’ sa mga adjacent police stations,” dagdag ni Navarro.
Una umanong natagpuan ang bangkay ni Bonogon ng isang mag-uuling noong Pebrero 2, kasunod na natagpuan ang bangkay ni Buenaflor na nakabalot ng packaging tape ang ulo.
Samantala, nanawagan ng hustisya ang mga kaanak ng mga biktima. (RENE CRISOSTOMO)
306
