HABANG bakuna sa COVID-19, napakataas na presyo ng mga bilihin at palpak na implementasyon ng Land Transportation Office (LTO) sa mga batas, huwag na huwag kakalimutan ng mga pamahalaang lokal ang paglutas sa problema ng ammonia.
Ang isyu sa ammonia ay tungkol sa planta ng yelo sa Lungsod ng Navotas at sa Bayan ng Lian sa Batangas.
Parehong malaki ang perwisyo ng sumingaw na ammonia sa dalawang planta ng yelo.
Sa Navotas, dalawang manggagawa ang namatay at mahigit 100 ang itinakbo sa mga ospital.
Sa Lian naman, namatay ang mga halaman at isda na pinagkukunan ng ikabubuhay ng ilang residente sa naturang lalawigan.
Noong Pebrero 3 naganap ang parehong insidente.
Ngunit, hanggang ngayong araw ay hindi pa napaparusahan ang mga mayroong kasalanan ng pagsingaw ng ammonia.
Hindi pa rin nananagot ang mga may-ari at namamahala ng dalawang planta, samantalang krimen ang naganap.
Hindi ba’t krimen kapag mayroong namatay na dalawang tao, mga halaman at mga isda?
Kailangang kumilos ang pamahalaang lokal ng Navotas at Lian laban sa mga may-ari at namamahala ng mga planta ng yelo sa kani-kanilang nasasakupan.
Kailangang umaksiyon ang mga alkalde ng Navotas at Lian kahit na nagbabayad ng buwis ang mga negosyante ng yelo sa kani-kanilang nasasakupan upang maparusahan sila sa nagawa nilang krimen sa tao, halaman at isda.
Dapat nga ay regular na tinitiyak ng lahat ng pamahalaang lokal sa iba’t ibang panig ng bansa na hindi magkakaroon ng depekto ang mga pagawaan ng yelo, pagawaan ng ice cream, cold storage at
iba pang kaparehong negosyo dahil kapag nagkaproblema sa ammonia ng mga ito ay pihadong malaki ang perhuwisyo nito sa mga tao, halaman at isda.
Nanawagan ang EcoWaste Foundation sa lahat ng pamahalaang lokal na kumilos upang matiyak na ligtas at hindi makadidisgrasya ang mga pagawaan ng yelo, pagawaan ng ice cream at cold storage sa maraming bahagi ng bansa.
Nakikiisa ako sa panawagang ito dahil kumbinsido akong napakasama ng epekto ng ammonia sa tao, halaman at isda.
Sabi ng EcoWaste, hindi lang unang pagkakataong sumingaw ang ammonia sa dalawang lugar.
Mayroon nang mga naganap na kapareghong insidente sa mga nakalipas na taon.
Sabi nga ng EcoWaste sa kalatas nito: “The latest ammonia gas leak incidents [in Navotas City and Lian town in Batangas] should prompt both the public and private sectors into reviewing and upgrading their chemical accident prevention and preparedness programs.”
“The government should also document and analyze past incidents of ammonia gas leaks to learn from their causes, the responses made and to avoid such poisoning events from happening again,” karagdagang mungkahi ng EcoWaste.
Kumbinsido ako sa nasabing organisasyon dahil ayaw kong maulit ang naganap sa Navotas at Lian nitong Pebrero 3.
Kayo, gusto ba ninyong mamatay ang mga mahal ninyo sa buhay, mga halaman at isda na pinagkukunan ng inyong kabuhayan?
Hayaan ninyong ilatag ko uli ang nasubaybayan ng EcoWaste hinggil sa pagsingaw ng ammonia sa maraming pabrika ng yelo.
Noong Marso 2019, sumabog ang ammonia gas tank ng planta ng yelo sa Barangay Tuburan, Pagadian City kung saan namatay ang isang manggagawa at dalawa ang nasugatan.
Noong Setyembre 2018, umabot sa 35 residente ng Polomolok, South Cotabato ang naospital dahil sa pagsingaw ng ammonia gas mula sa kumpanya ng fruit processing at storage plant.
Pebrero ng taong ding ‘yan ay nagkaroon din ng ammonia gas leak mula sa planta ng yelo kung saan 57 estudyante ng Olongapo City National High School ang itinakbo sa pagamutan dahil sa insidente.
Isang manggagawa ang namatay at isa pa ang isinugod sa ospital dahil sa sumabog na ammonia sa cold storage facility sa Lungsod ng Mandaue noong Oktubre 2016.
Sumabay rin dito ang pagsasara ng isang industrial complex sa Carmona, Cavite nang sumingaw ang ammonia sa isang planta ng yelo.
Noong Hunyo 2012 naman, sumingaw rin ang ammonia sa isang pagawaan ng yelo sa Barangay Sta. Cruz sa Quezon City.
Noong Abril ng parehong taon, sinapit din ng isang cold storage facility sa Barangay Manggahan sa Lungsod ng Pasig City ang kaparehong insidente na siyang dahilan ng pagkakaospital ng tatlong katao nang wala sa oras.
Pebrero ng pareho ring taon, nakatikim din ng ammonia ang 100 residente ng Barangay Ayala sa Lungsod ng Zamboanga dahil sa pagsingaw nito mula sa isang planta ng yelo sa nasabing lugar.
Noong Marso 2011, mga naninirahan naman sa Barangay Tibag sa Pulilan, Bulacan ang nakalasap ng ammonia nang sumingaw ito mula sa pagawaan ng ice cream sa nasabing lugar.
Noon namang Pebrero ng pareho ring taon ay mahigit 3000 pamilya ang napwerwisyo ng ammonia na galing sa planta ng yelo sa Barangay Bagong Bantay sa Quezon City.
Sobrang dami na pala ng mga krimeng naganap dahil sa pagsabog at pagsingaw ng ammonia sa mga pagawaan ng yelo at iba pa.
Kaya, tama at napapanahon ang panawagang “Huwag na huwag kalimutan ang isyu ng ammonia gas”.
197
