AYAW KONG MANAKOT PERO…

BUKOD sa pandemyang kinakaharap natin dahil sa covid-19 na hindi pinigilan ng gobyerno na makapasok sa ating bansa dahil ayaw nilang saktan ang damdamin ng China, meron pa tayong problema na hindi na napapansin… ang sunod sunod na lindol.

Nakakabahala ang mga may kalakasang lindol na malimit na nangyayari ngayon sa ating bansa, hindi lamang sa Davao region kundi sa iba’t ibang parte ng ating kapuluan.

Bagama’t regular na raw ang paggalaw ng lupa araw-araw pero hindi natin nararamdaman, ay maraming natatakot, kasama na ako sa mga sunod-sunod na lindol at naitatala sa lakas na 4.8 hanggang 5.1 magnitude.

Mula noong Pebrero 2 hanggang Pebrero 7, anim na may kalakasang lindol ang naitala sa Mindanao at Luzon na may lakas na hanggang 5.1 magnitude at nag-iwan ng bahagyang pinsala.

Mula nang lumala ang ­pandemya noong Marso 2020, ay hindi na pumapasok ang mga kabataan sa kanilang eskuwelahan at natigil na rin ang pag-oopisina o pagtatrabaho ng karamihan sa mga manggagawa.

Dahil dyan, natigil na rin ang mga earthquake drill na regular na ginagawa sa mga eskuwelahan at mga tanggapan, hindi lamang sa gobyerno kundi sa mga pribadong sektor.

Sana hindi nakalimutan ng mga estudyante at mga empleyado ng gobyerno at pribadong sektor ang naituro sa kanila sa mga earthquake drill bago nagkaroon ng pandemya.

Sana rin ay naibahagi nila sa kanilang mga mahal sa buhay at komunidad ang kanilang mga natutunan kung ano ang gagawin kapag nagkaroon ng malakas na lindol.

Bago kasi nagkaroon ng ­pandemya, tanging sa mga eskuwelahan, tanggapan ng gobyerno at sa pribadong kumpanya (hindi lahat ha), ang nagsasagawa ng earthquake drill.

Walang ganyang aktibidad sa mga komunidad. Walang ganyang aktibidad sa mga barangay kaya limitado ang kaalaman ng publiko kung ano ang kanilang gagawin sakaling magkaroon ng malakas na lindol.

Ang tanging alam natin ay lumabas sa gusali at pumunta sa ilalim ng mesa kung hindi makalabas agad kapag nagkaroon ng lindol. Hanggang dyan lang ang alam ng karamihan sa atin pero ano ba ang gagawin pagkatapos ng lindol. Saan pupunta?

Wala tayong mga evacuation centers na puwedeng puntahan ng mga tao kapag nagkaroon ng lindol lalo na kung nagkaroon ng ­matinding pinsala. Wala pa tayong naririnig tungkol dyan.

Ibig sabihin, hindi pa talaga handa ang gobyerno sa kinatatakutang sakuna na ito na tanging Dios lang ang nakakaalam kung kailan mangyayari. Hindi tulad ng bagyo kahit papaano alam nating may darating pero ang lindol, wala pang instrumento ang naiimbento para malaman kung kailan mangyayari.

Isa pa: kapag nagkaroon ng ­matinding pinsala dahil sa Big One, may nakalatag na bang aksyong gagawin para sa peace and order? Mukhang wala pa rin kaya talagang hindi pa tayo handa.

Sana, habang abala tayo sa pagsugpo sa covid-19 ay may grupo ng mga taong gobyerno na tututok sa problemang ito. Hindi naman lahat ng government officials ay may papel sa pagsugpo sa covid-19.

Lord huwag Nyo pong ipaghintulot na mangyari ang kinatatakutan naming Big One. Kayo na po ang bahala.

160

Related posts

Leave a Comment