WALA na umano ang sindikatong “pastilyas” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang makasuhan ng korapsyon ang mga opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa pangingikil sa mga Chinese na dumaraan sa nasabing pambansang paliparan.
Ngunit, mukhang mayroong bagong pangkat na pumasok sa NAIA kung saan pinagkakaperahan din ang mga Chinese.
Ito ay matapos maaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang “Vivan Lara” noong Huwebes.
Si Lara ay dinakip ng mga tauhan ng NBI dahil sa impormasyong pangingikil ng umaabot sa P900,000 ang mga Chinese na gustong makapasok sa Pilipinas nang walang kahirap-hirap.
Itinanggi naman ni Lara na kasapi siya ng sindikato na kumikilos sa BI at NAIA.
Si Lara ay empleyado ng Calalang Law Office ngunit ang akreditasyon nito ay napaso na noong Enero.
Ayon sa NBI, P900,000 ang nakuha kay Lara nang masakote ito sa operasyon ng ahensiya.
Ang P900,000 ay hinihinalang ‘bayad’ ng tatlong Chinese na nagpaasikaso kay Lara ng mga pasaporte at entry visa.
Kaagad ipinag-utos ni BI Commissioner Jaime Morente ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa kinasangkutan ni Lara upang malaman kung mayroon nang bagong sindikato sa nasabing kagawaran.
Ipinasuspinde na rin ni Morente ang akreditasyon ng Calalang Law Office dahil sa ginawa ni Lara at posibleng isalang din sa imbestigasyon ang nasabing law office.
Kasamang ipinatutukoy ni Morente ang usapin ng seguridad sa BI dahil pinapasok pa si Lara sa tanggapan ng BI sa Intramuros, gayong paso na ang ID nito.
Ang gustong mangyari ni Morente sa imbestigasyon ay malaman at matukoy kung mayroon nang bagong ‘sindikato’ sa BI na posibleng pumalit sa pangkat ng pastilyas. (NELSON S. BADILLA)
195
