MAS maraming Pilipino ang magpapabakuna lalo na ang mga nagtatrabaho sa malalaking kumpanya kung idadaan sa kanilang health maintenance organizations (HMOs) ang pagbabakuna.
Ito ang paniniwala ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor dahil sa ngayon ay maraming Pilipino ang hindi pa handang magpaturok ng COVID-19 vaccines base sa mga nagdaang survey.
“We would like to believe that corporations are trusted by their employees, so they will be more inclined to get vaccinated if it is coursed through the clinics of their HMOs,” ani Defensor.
“Many business process outsourcing (BPO) and bank staff, for example, may readily favor receiving vaccination arranged by their HMOs,” dagdag pa ng dating vice chairman ng House committee on health.
Ayon sa mambabatas, mas makukumbinsi ang mga tao na pagpabakuna dahil maipaliliwanag ng HMOs ang benepisyo ng bakuna laban sa COVID-19 na ngayon ay inaayawan ng mga tao.
Ipinaliwanag ni Defensor na kailangan ng gobyerno ang tulong ng mga pribadong sektor lalo na ang private corporate sector para mabakunahan ang mas maraming Pilipino at makamit na ang herd immunity.
“This is absolutely imperative if we want to reopen more sectors of the economy and avert further job losses,” ayon pa sa mambabatas kaya habang inaantay ang pagdating ng bakuna ay dapat na aniyang makipag-ugnayan ang gobyerno sa mga kumpanya at maging sa HMOs.
Iminungkahi rin ng mambabatas sa national government na obligahin ang mga korporasyon na nasa ilalim ng kanilang pamumuno na magsumite na ng immunization plan para sa kanilang mga empleyado bilang bahagi ng business sustainability management.
Kabilang sa mga korporasyong ito ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Insurance Commission, Energy Regulatory Board, National Telecommunications Commission, Philippine Amusement and Gaming Corp. and the Civil Aviation Authority of the Philippines, at iba pa. (BERNARD TAGUINOD)
135
