BILANG kinatawan ng mga OFW landbased sector sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, tungkulin ko na alamin mula sa mga OFW ang kanilang mga mungkahi, hinaing at iba pa na gusto nilang iparating sa pamunuan ng OWWA Board. Sa madaling salita, ako ang inyong boses at utusan.
Simula nang ako ay maitalaga ng ating mahal na Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nakagawian ko na ang laging makipagkita o makipagpulong sa iba’t ibang grupo ng mga OFW at kanilang pamilya upang magsangguni o hingin mula sa kanila ang kanilang mungkahi at saloobin.
Bago ko tuluyang isinulong ang muling pagsisimula ng programang Tulong Puso, ay marami akong grupo na kinausap na kung saan ay aking hiningi ang kani-kanilang opinyon.
Upang sa gayon ay bago ko tuluyang itulak o ipasa sa Board meeting ng OWWA Board of Trustees ay masasabi ko ang aking inihahain na proyekto ay may totoong basehan na ayon mismo sa kahilingan ng mga OFW.
Ang OWWA Tulong Puso ay bunsod ng matagal nang karaingan ng maraming OFW. Himutok ng ating mga OFW lalo na ang mga retirado ay sa tagal ng panahon na sila ay nagtiis na magtrabaho sa ibang bansa at halos regular na nagbabayad sa OWWA ay wala man lamang silang natanggap na benepisyo mula sa OWWA.
May ilan kasing mga OFW na wala namang anak na pinag-aaral at yung iba naman na may anak ay hindi naman nakapag-avail ng scholarship hanggang sa sila ay makauwi.
Bukod dito, inirereklamo ng maraming OFW na mas mabuti pa ang mga OFW na hindi tumupad sa kanilang kontrata o mga naging distressed worker ay nakatatanggap ng P20,000 mula sa programang Balik-Pinas-Balik Hanap-Buhay. Habang sila na naging matapat sa tungkulin at sumunod sa patakaran at maituturing na mabuting OFW ay wala man lamang natatanggap mula sa ating OWWA.
Dahil dito, bilang kinatawan ng OFW kasama ang iba pang miyembro ng OWWA Board of Trustees na sina Atty. Antonio Partoza (Land-based recruitment Sector) Estrella “Mai” Dizon-Annonuevo ( Women Sector) Capt. Felix Rebustes (Sea-based Sector) Capt.Emmanuel Regio (Manning Sector) ay aming isinulong ang pag-apruba ng programang Tulong Puso.
Ito ang tanging programa ng OWWA na kung saan ang lahat ng mga OFW, maging sila ay retirado, baldado, active o inactive o undocumented OFW ay kasama sa mga mabibiyayaan ng grant na nagkakahalaga ng mula 150,000 hanggang 1 milyon piso. Ang grant ay pondo na ibinibigay na hindi kinakailangan bayaran at walang kolateral.
Limang daang milyong (500 milyon) piso ang inilaan ng OWWA para sa programang ito na kung saan ang kinakailangan lamang ay magbuo ng grupo ang mga OFW upang mag-umpisa ng kanilang negosyo. Kung makakabuo ang mga ito ng grupo na mayroon 5 hanggang sampung miyembro ay maari silang makatanggap ng 150,000 na grant.
Kung makakabuo ng 11 hanggang 20 ay maaring makakuha ng 250,000 na grant at kung ang mga OFW ay magkakaisa at makakabuo ng 21-30 na miyembro ay maari silang makatanggap ng 500,000. At kung ang grupo ng OFW ay makabuo ng 31 miyembro pataas ay maari silang makatanggap ng 1 milyon piso na puhunan para sa negosyo na kanilang mapagkakasunduan.
Kinakailangan lamang magparehistro ng grupo alinman sa Securities and Exchance Commission (SEC), Department of Labor and Employment (DOLE) o kaya ay sa Cooperative Development Authority. Matapos maparehistro ang grupo na may kumpletong listahan ng miyembro at opisyal at By-laws ay maari na itong maghanda ng kanilang Business plan.
May ilan ding document o forms na kailangan masagutan bago maipasa sa OWWA screening committee bago tuluyan maibigay ang kanilang grant para sa kanilang puhunan.
205
