TULUYAN nang sinibak ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro.
Si Mauro ay nahaharap ngayon sa maraming kaso dahil sa pananakit sa kasambahay na makikita sa ilang CCTV footages na isinapubliko ng Brazilian media at nag-viral sa social media.
Sa public address ng pangulo, Lunes ng gabi ay sinabi nito na kanselado na ang eligibility ni Mauro at wala na itong matatanggap na retirement benefits.
Bawal na rin siyang humawak ng anomang public office at hindi na rin pwedeng kumuha ng civil service examination.
Napag-alaman na nagsilbi si Mauro bilang Philippine envoy to Brazil mula March 2016 at naging bahagi ng foreign service mula February 1995. (CHRISTIAN DALE)
