Sinimulan mo, tatapusin ko! PING TINABLA ‘CEASEFIRE’ KAY ALAN

TINANGGIHAN ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang panawagang magkaroon ng umano’y ceasefire kaugnay ng kanyang imbestigasyon sa mga alegadong iregularidad sa ilang infrastructure projects sa Taguig City.
“Ceasefire my foot.”

Ito ang naging tugon ni Lacson matapos umanong may nanawagan na itigil ang usapin kasunod ng paglalantad niya ng mga hinihinalang anomalya sa ilang proyekto sa lungsod na balwarte ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Ayon sa senador, anong uri umano ng tao ang magdedeklara ng gera na toy gun lamang ang dala at laway ang bala, ngunit kapag naharap sa bomba ay hihiling ng ceasefire.

Sinabi rin ni Lacson na narinig niya ang panawagang ceasefire matapos niyang isumite sa Office of the Ombudsman ang mga dokumentong kanyang nakalap kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga slope protection at iba pang proyekto sa Taguig City.

Nauna nang tiniyak ni Lacson na hindi niya ititigil ang pag-iimbestiga at pangangalap ng mga dokumento kaugnay ng mga umano’y anomalya sa mga proyekto sa Taguig.

Ito ay matapos kuwestiyunin ni Cayetano ang integridad ni Lacson nang usisain ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

(DANG SAMSON-GARCIA)

74

Related posts

Leave a Comment