NILINAW ng Department of Justice (DOJ) na nasa korte na ang pagpapasya kung maglalabas ng warrant of arrest laban sa tinaguriang “18 Maleta Boys” at sa kanilang abogado na si Atty. Levi Baligod, kaugnay ng kinakaharap nilang anim na bilang ng cyberlibel at apat na bilang ng perjury.
Sa isang press conference, sinabi ni Justice Undersecretary Ian Norman Dato na naihain na sa korte ang 11 information, ngunit isa pa lamang ang nairaraffle sa Regional Trial Court (RTC) sa Caloocan City.
Aniya, hinihintay pa ring maitalaga sa kani-kanilang sangay ng korte ang mga kasong isinampa sa Las Piñas, Muntinlupa at San Juan.
Sinagot din ni Dato ang pahayag ni Atty. Baligod na umano’y minamadali ang paglalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.
“The National Prosecution Service, a panel of prosecutors strictly adhere to rules of procedure. So, any suspicion of deviation from the rules of procedure, any questions are welcome. But if you check the record and the evidence that support the charges, I am very confident that those will stand scrutiny and that they have followed strictly the rules of procedure,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty na wala nang papel ang DOJ sa susunod na hakbang ng kaso.
Aniya, nasa pagpapasya na ng mga hukom kung may probable cause upang magpalabas ng warrant of arrest.
(JULIET PACOT)
74 