Bwelta ng Palasyo ICC REMARKS NI VP SARA WALANG KWENTA

IPINAGKIBIT-BALIKAT ng Malakanyang ang panibagong pahayag ni Vice President Sara Duterte laban sa International Criminal Court (ICC), na inilarawan nitong “walang basehan, walang saysay, useless at nonsense.”

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, walang batayan ang pahayag ni Duterte na sinusuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ICC kapalit ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang inaresto ng ICC si dating Pangulong Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa ipinatupad nitong war on drugs sa nakaraang administrasyon.

“Ang lahat po halos ng sinasabi ng Bise Presidente sa ngayon ay walang basehan, walang saysay, useless at nonsense. Maaaring ito ay kanyang nasasabi out of frustration dahil ang kanyang ama ngayon ay nililitis sa ICC,” ani Castro.

Sa pagdalo ni Vice President Duterte sa “Free Duterte” rally ng Filipino community sa The Hague, Netherlands noong Hulyo 29, sinabi nitong sina dating Senador Antonio Trillanes IV at Pangulong Marcos ay mga “traydor” at inilarawan pa ang ICC bilang “tuta” umano ng dalawa.

“How do we characterize Trillanes and Marcos in relation to the ICC? Yes, they are traitors to the Filipino and to the country. But more than that, ang ICC ay tuta ni Trillanes at ni Marcos,” ani Duterte.

Binigyang-diin naman ni Castro na matagal nang naisampa ang kaso laban kay dating Pangulong Duterte, bago pa man naging Pangulo si Marcos.

Ayon pa kay Castro, maaaring nadidismaya o nafu-frustrate na si Vice President Duterte kaya kung anu-ano na lamang ang sinasabi nito tungkol sa ICC, na aniya ay isang impartial court na hindi maaaring maimpluwensyahan ninoman.

(CHRISTIAN DALE)

44

Related posts

Leave a Comment