HOY MGA POLITIKO, HUWAG KAYONG SUMINGIT SA BAKUNA!

HAYAAN ninyong talakayin ko muna ang programang baksinisasyon na karagdagang proteksyon sa coronavirus ­disease 2019 (COVID-19) dahil “matindi” ang babala ng World Health Organization (WHO) sa administrasyong Duterte.

Nitong Sabado, isa sa tatlong banner story ng SAKSI Ngayon ang istorya kong “PH BANTAY-SARADO SA WHO” kung saan tinalakay dito na mahigit na binabantayan ng WHO ang pagbabakuna ng pamahalaan.
Ang bantay-saradong ginagawa ngayon ng WHO ay nakabatay sa pahayag ng kinatawan nito sa ating bansa na si Dr. Rabindra Abeyasinghe.

Sabi ni Abeyasinghe, kailangang tiyakin na ang ­dumating na 487,200 doses ng bakunang AstraZeneca sa bansa nitong Marso 4 ay ituturok sa health care workers.

Ayon sa opisyal ng WHO, kapag hindi sundin ng administrasyong Duterte ang kondisyon ay posibleng hindi na matanggap ng Pilipinas ang iba pang doses ng bakunang AstraZeneca.

Pokaragat na ‘yan!

Mahalaga ang bakuna laban sa COVID-19, ngunit kailangang mauna, o prayoridad, ang health care workers.

Ngunit, naging ‘mainit na balita’ simula noong gabi ng Marso 1 hanggang sa mga sumunod na araw ang ginawang pagpapaturok ni Congresswoman Helen Tan sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City.

Si Tan ay kinatawan ng Ika-4 na Distrito ng lalawigan ng ­Quezon sa mababang kapulungan ng ­Kongreso, ngunit nakasingit sa baksinisasyon sa Quezon City.

Pokaragat na ‘yan!

Ang katwiran ni Kongresista Tan ay ang inilabas na patakaran ng VMMC na nagsasabing tatlo sa miyembro ng pamilya ng mga nagtatrabaho sa VMMC ay puwedeng isama sa pagpapabakuna ng bakuna ng CoronaVac ng Sinovac BionTech ng China.

Dahil dito, nagpabakuna na si Tan dahil doktor ang anak niya sa VMMC.

Pokaragat na ‘yan!

Si Tan ay isang doktor, ngunit hindi siya frontliner dahil napakalinaw na isa na siyang “politiko” nang tumakbo at nanalong ­kongresista.

Ang frontliner na tinutukoy na siyang prayoridad ay ang mga doktor at mga nagtatrabaho sa ospital.

Mali ang ginawa ni Tan dahil kahit saang anggulo natin sipatin ay isa siyang politiko.

Samakatuwid, hindi prayoridad ang mga politikong katulad ni Kongresista Tan.

Hindi porke donasyon ang 600,000 doses na bakuna ng China ay sisinginit na si Rep. Tan sa baksinisasyon ng VMMC.

Isang malinaw na pangyayari upang magbabala ang WHO sa Pilipinas.

Kung inyong matatandaan, napakatagal ng pakikipagtransaksyon ng mga bata ni Pangulong Rodrigo Duterte para makakuha ng bakuna ang ating bansa dahil halos na-corner na ng mga mayayamang bansa ang karamihan sa stocks ng bakuna.

Kaya nga nahuli ang ­pagdating ng bakuna sa ating bansa.

Sa halip na noong Pebrero dumating, nitong unang linggo lamang ng Marso dumating ang mga bakuna.

Kaya, hindi dapat unahin ang mga taong hindi dapat mauna sa mga tuturukan ng bakuna.
Mayroong sinusundan na iskedyul sa pagpapabakuna na alam na alam ito ng mga mambabatas, kasama na si Tan.

Ikapito sila sa “order of priority” bilang kawani ng gobyerno.

Ibig sabihin, hindi sila mauuna!

Maliban na lamang kung sila ay senior citizens, o persons with disability (PWD).

Nakadidismaya talaga ang ginawa ni Tan dahil siya ang u­nang mambabatas mula sa Kamara de Representantes na nagpaturok ng bakuna ng Sinovac dahil doktor nga raw ang anak niya sa VMMC.

Totoong isa ring doktora si Rep. Helen Tan, ngunit walang dudang hindi siya frontliner dahil politiko siya.

Totoo rin siguro na pumayag ang pamunuan ng VMMC na isama ang mga miyembro ng pamilya ng kanilang mga doktor, ang pinakatama na dapat niyang ginawa ay hindi siya nagpaturok ng bakuna bilang “delicadeza” man lang.

Madali namang sabihin na hihintayin nalang niya ang bakuna na para sa alokasyon ng mga ­miyembro ng Kamara, pero tila atat na atat ang kongresista.

Tapos, sabi pa niya na hindi naman daw “VIP treatment” na mauna sa lahat ng mga ­kongresista na magpabakuna dahil kung nagpa-VIP siya ay sana raw hinintay na lang niya ang bakunang AstraZeneca na higit na popular sa masa.

Pokaragat na ‘yan!

Nakalibre na nga ng bakuna mula sa Sinovac, sinaltik pa ito ni Tan.

Napahiya at tila sinampal ang pamunuan ng Kamara, sa ­pangunguna ni Speaker Lord Allan Jay Velasco, dahil sinabi nito na magpapahuli siya at ang lahat ng mga kongresista sa pagpapabakuna.

Idiniin ni Velasco na ang mauuna ay ang mga empleyado ng Kamara at miyembro ng media, kasama ang kanilang pamilya, kung saan gastos ng Kamara ang pondo sa bakuna.

162

Related posts

Leave a Comment