BIGLANG dumoble ang bilang ng mga residenteng tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Lungsod ng Mandaluyong noong Martes.
Ayon kay Mayor Menchie Abalos, pumalo sa 276 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod mula sa 134 noong Marso 8 (Lunes).
Hindi diretsong tinukoy ni Abalos na United Kingdom at South African COVID-19 variants ang pinagmulan nito, ngunit inamin niyang nagkaroon ang dalawang residente ng lungsod na dinapuan ng nasabing variants. Parehas gumaling na ang dalawa, dugtong ni Abalos.
Matatandaang inamin kamakailan ng Department of Health (DOH) na sumipa sa 118 ang bilang ng mamamayang nagkaroon ng UK variant, habang ang SA variant ay umabot sa 58.
Ayon sa punong lungsod, karamihan ng bagong mga pasyente ng COVID-19 ay nakatira sa ilang condominium. (MARINHEL T. BADILLA)
