1 PATAY, 23 TULAK TIMBOG SA CAVITE

CAVITE – Isa ang patay habang 23 hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang nadakip sa ikinasang magkakahiwalay na buy-bust operation sa lalawigang ito.

Kinilala ang napatay na si Christian Bryan Delia, nasa hustong edad, ng Dasmariñas City.

Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi noong Martes nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Dasmariñas City Police at PDEA 4A, sa Zone 2, Brgy. Sampaloc 4 ng naturang lungsod kung saan target si Delia.

Ngunit nahalata ng suspek na pulis ang katransaksyon kaya nagpaputok ng baril. Gumanti naman ng putok ang awtoridad na nagresulta sa kamatayan ng suspek.

Samantala, umabot sa 23 hinihinalang tulak ang nadakip ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na lugar sa tatlong lungsod at anim na bayan sa nabanggit na lalawigan.

Tig-anim na tulak ang binitbit ng mga awtoridad mula sa Cavite City at Tanza, lima sa Imus City; dalawa sa Rosario at tig-isa sa Alfonso Mendez, General Mariano Alvarez (GMA), Rosario at Noveleta. (SIGFRED ADSUARA)

150

Related posts

Leave a Comment