CAVITE – Umabot sa 29 hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang 17-anyos na binatilyo, ang nadakip ng mga awtoridad sa isinagawang magdamagang buy-bust operation sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ng Cavite Police Provincial Office, dakong alas-10:30 noong Martes ng gabi nang damputin si Lester (‘di tunay na pangalan), 17, at pito pa nitong mga kasama sa buy-bust operation sa Paraiso compound, Brgy. Talaba 6, Bacoor City, at nakumpiska ang mahigit 23 sachet ng umano’y shabu at buy-bust money.
Si Lester ay nasa pangangalaga na ng City Social Welfare and Development (CSWD) habang ang pito ay ikinulong sa Bacoor City Custodial Center.
Samantala, 21 iba pang umano’y mga tulak ang nadakip ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na lugar sa limang lungsod at limang bayan ng Cavite sa magdagamang buy-bust operation mula alas-11:30 ng umaga noong Martes hanggang ala-1:00 ng madaling araw nitong Miyerkoles.
Nanguna sa listahan ng may pinakamaraming tulak na dinampot ang Bacoor City, 8; sumunod ang Tanza, 5; habang tig-3 ang Imus City, Gen. Trias City at Trece Martires City; tig-2 ang Alfonso at Rosario habang habang tig-1 ang Mendez, Naic at Dasmariñas City.(SIGFRED ADSUARA)
291
