Mag-asawang rider sumemplang MISTER NAGULUNGAN NG VAN, PATAY

CAVITE – Patay ang isang lalaki habang kritikal ang misis nito nang sumemplang sa isang rough road ang sinasakyan nilang motorsiklo at nagulungan ng kasunod na van sa bayan ng Kawit, sa lalawigang ito.

Kapwa isinugod sa San Pedro Calungsod Hospital si Noel Ibañez at misis nitong si Hazel, ngunit idineklarang dead on arrival ang una.

Kinilala naman ang driver ng Toyota Hi-Ace commuter van na may plakang DAK 2506, na si Jose Mari dela Cruz.

Ayon sa ulat ni P/MSgt. Erwin Clerigo ng Kawit Police, binabagtas ng mag-asawa ang Centennial Road sa Brgy. Putol ng naturang bayan dakong alas-10:30 nitong Sabado ng umaga patungo sa direksiyon ng Noveleta.

Ngunit napadaan sila sa bako-bakong kalsada dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at sumemplang ang motorsiklo.

Parating naman ang minamanehong van ni Dela Cruz na patungo rin sa parehong direksiyon dahilan upang nagulungan ang mag-asawa.

Kapwa isinugod sa ospital ang dalawa ngunit hindi umabot nang buhay si Noel. (SIGFRED ADSUARA)

304

Related posts

Leave a Comment