MNPA BAGO PRANGKISA SA TELCOS

IGINIIT ni Senador Win Gatchalian ang agarang pagpapatupad ng Mobile Number Portability Act (MNPA) bago pa magdesisyon ang Kongreso na i-renew ang prangkisa ng mga bagong telecommunication companies o telcos.

Ayon sa senador, habang pinagdedebatehan sa Senado ang House Bill No. 7332 na magpapalawig ng 25 pang taon sa prangkisa ng Mindanao Islamic Telephone Company Inc. o Mislatel na kilala ngayon bilang Dito Telecommunity Corp. bilang third player ay gawin ang MNPA.
Ang prangkisa ng Dito telecommunity Corp. ay magtatapos sa darating na Abril 24, 2023.

“Maisasakatuparan ng MNPA ang pagpapalit natin ng service provider na hindi na kinakailangan pang palitan din ang ating mga personal na numero ng telepono. Malaking abala ito lalo na’t kailangan natin na abisuhan ang lahat tuwing magpapalit tayo ng bagong service provider.

Bukod pa rito, matagal nang naantala ang pagpapatupad ng batas na ito,” saad ni Gatchalian.

Sinabi pa ni Gatchalian, na dapat sana ay noong nakalipas na Enero ng nakaraang taon pa napakinabangan ang nasabing batas subalit dumating ang pandemya na itinuturo ng mga telcos na dahilan sa pagkakaantala ng pagpapatupad ng batas na magpapahintulot sa mga mobile phone subscriber na makapagpalit ng network ng hindi na kinakailangan pang magpalit ng numero ng kanilang telepono at magbayad ng interconnection fees tuwing tatawag o magte-text sa ibang service providers.

Ayon kay Gatchalian, pangunahing may-akda ng Republic Act No. 11202 o MNPA, dapat nang madaliin ng National Telecommunications Commission (NTC), Smart Communications, Globe Telecoms at Dito ang proseso ng interoperability bago pa man ang naipangako na nilang full commercial launch ng mobile portability sa darating na Setyembre ng kasalukuyang taon.

“Kapag naipatupad na ang MNPA, magbubunsod ito ng kumpetisyon at mapapadali na sa atin ang pagpili ng serbisyong naaayon sa pangangailangan natin,” sabi ng senador.

“Isinabatas ito noong hindi pa nadidiskubre ang virus na sinasabi nilang nagpatagal ng proseso para sa MNPA. Baka naman maaaring madaliin na ngayon ng mga telco ang integration at iba pang technical preparations para sa MNPA na dapat sana ay mahigit isang taon nang napapakinabangan ng sambayanan,” dagdag pa ni Gatchalian. (NOEL ABUEL)

91

Related posts

Leave a Comment