KASAMA na ang mga opisyal ng local government units (LGU) sa “A4” priority na matuturukan ng COVID-19 vaccine.
Makakasama ng mga ito sa priority list ang iba pang frontline personnel sa essential sectors kabilang na ang uniformed personnel at nasa working sectors.
Sinabi ni Sec. Roque na ang iba pang opisyal ng pamahalaan gaya ng mga Cabinet member ay mananatili sa “B2” category.
“Well, I think not all government officials will have priority. In fact, doon kami sa ‘B’, matapos iyong unang priority,” aniya pa rin.
Nilinaw ni Sec. Roque na hindi lahat ng government officials ay kasama sa priority list ng pamahalaan.
Sa ngayon ay may 1,634 provincial governors at city at municipal mayors at 42,046 barangay chairpersons sa buong bansa.
Ani Sec. Roque, marami pang opisyal ng pamahalaan at manggagawa ang nahawaan ng COVID-19.
Umaasa naman si Sec. Roque na ikukonsidera ng interim National Immunization Technical Advisory Group (iNITAG) na pag-aralan ang inclusion o pagsama sa iba pang government officials sa priority list.
“Pinag-aaralan naman po siguro iyan ng ating mga miyembro ng NITAG kasi mayroon talagang mga taong frontliners within government service na hindi ‘health’ at kasama po iyong opisina namin ‘no dahil we provide information at this critical time of a pandemic,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Para sa inisyal na vaccination rollout, gumagamit ang pamahalaan ng donated vaccines mula Chinese drugmaker Sinovac at COVAX facility.
Sumipa naman ang vaccination program ng gobyerno para sa frontline healthcare workers noong Marso 1.
Inaasahan naman na darating sa bansa sa second quarter ng taon ang bulto ng vaccine doses. (CHRISTIAN DALE)
