5 BRGY. HALL SA NAVOTAS NI-LOCKDOWN

POSIBLENG mahinto ang serbisyo ng lokal na gobyerno dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, ayon kay Mayor Toby Tiangco nitong Sabado.

Ito ay bunsod ng pag-lockdown sa lima mula sa 18barangay hall ng lungsod dahil sa pagpositibo sa ilang mga empleyado nito.

Pansamantalang ikinandado ang mga barangay hall ng San Jose, Bangkulasi, San Rafael Village, North Bay Boulevard North at North Bay Boulevard South-Proper para sa disinfection at upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng virus.

Ani Tiangco, ang mga opisyal at kawani ng mga barangay ay sumailalim sa swab test mula Marso 13 hanggang 19 at sa mga sinuri ay 142 ang nagpositibo kaya’t agad isinara ang ilang barangay hall.

“Dahil sa lockdown, apektado ang serbisyo ng barangay. Mas kaunti ang nagpapatrolyang tanod at mga nangungulekta ng basura. Maging ang city hall at out-patient department ng Navotas City Hospital ay kailangang magsara ng dalawang linggo dahil sa mga kaso ng COVID. Kapag nagpatuloy ito mahihirapan tayong magkaloob ng pangunahing serbisyo sa ating mamamayan,” ayon sa alkalde.

Muli ay nanawagan ang punong lungsod sa publiko na sumunod sa safety protocols gaya ng wastong pagsusuot ng face mask at face shield, 1-2 metrong social distancing, paghuhugas ng kamay at pananatili sa loob ng bahay hangga’t maaari.

Ipinaalala ng alkalde na kinumpirma ng Department of Health na mayroon nang mga kaso ng UK at South African variants sa lungsod kaya’t dapat na doblehin ang pag-iingat upang mapanatiling ligtas ang sarili at pamilya ng bawat isa.

Noong Marso 25 ay 239 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod habang umabot na sa 7,861 ang total cases at 1,247 naman ang active cases. (ALAIN AJERO)

161

Related posts

Leave a Comment