‘Di na tatanggap ng pasyente 5 MANILA HOSPITALS PUNO NA

INANUNSYO ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na sa anim na pampublikong ospital sa lungsod ay isinara na ang lima sa mga ito at hindi na tatanggap ng mga pasyente ng COVID-19 dahil umabot na sa full capacity.

Ito ay sa kabila ng kahilingan ng 42 barangay na ini-lockdown dahil sa napakataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Gayunman, inihayag ng alkalde na ang natitirang isang bukas na ospital ay malapit na ring umabot sa maximum capacity sa kabila ng itinalagang quarantine facilities sa lungsod dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

“Ako’y hindi nagkulang ng paalala na darating at darating ang oras na ang ating mga COVID bed capacity ay mapupuno pagka’t marami ang asymptomatic or mild and severe,” sabi ni Moreno.

“Wag tayong magtatampo kung ‘di na kayo tatanggapin sa ospital. Lahat kami ay nagulat nang biglang lumobo. Maaari kayong magtungo sa pribadong ospital pero maging sila ay halos puno na rin,” dagdag pa ng alkalde.

Sinabi pa ng alkalde, siya at si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, na nangangasiwa sa lahat ng mga opsital na pinatatakbo ng lungsod, ay nakipagpulong sa anim na direktor ng mga ospital at kay Manila Health Department chief, Dr. Arnold Pangan kaugnay sa planong pagdaragdag ng COVID beds.

“Madaling magdagdag ng beds. Ang mahirap, ‘yung medical professional na tutugon ‘pag kayo ay nasa COVID ward dahil may kanya-kanya silang gamit lalo na ang infectious doctors. ‘Yan ang mga unique na sitwasyon kaya ‘di simple magdagdag,” paliwanag ni Moreno

Ayon naman kay Vice Mayor Lacuna, matapos ianunsyo ng alkalde sa kanyang live broadcast, na apat sa anim na ospital ay puno na ang COVID beds, isang ulat ang dumating na ang Ospital ng Tondo ay umabot na rin sa capacity limit, at tanging ang Justice Abad Santos General Hospital (JASGH) ang natitirang hindi pa puno. Ang JASGH ay nasa ikatlong distrito ng Manila.

Ayon pa sa alkalde, patuloy ang pakikipag-usap nina Lacuna at Permits Bureau chief Levi Facundo sa mga may-ari at operator ng mga motel at hotel sa lungsod upang ipahiram ang kanilang mga kwarto bilang quarantine facilities habang wala pang guests ang mga ito.

Ayon pa sa alkalde, kahit magkano pa ang gugulin ng lungsod, kung patuloy naman sa hindi tamang gawi ang publiko at patuloy na lalabagin ang itinakdang minimum health protocols, ang lahat ng pagsisikap at pagod ay mauuwi lang sa wala. (RENE CRISOSTOMO)

467

Related posts

Leave a Comment