PANALO ANG MGA KORAP AT MANDARAMBONG

SALIKSIK

UNAHAN ko na kayo mga ginigiliw na mambabasa ng Saliksik at Saksi Ngayon, upang hindi ninyo ako akusahang kalaban ng administrasyong Duterte, kaya nasabi kong “panalo ang mga korap at mandarambong.”

Idinidiin ko rin na lalong hindi ako bahagi ng dilawan o kanang kamay nina Noynoy Aquino at Leni Robredo.

Hahayaan kong magsalita ang Office of the Ombudsman hinggil sa itinatakbo ng trabaho nito laban sa mga tiwali, korap at mandarambong sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.Ayon sa Statistical and Monitoring Division (SMD) ng Office of the Ombudsman, nabawasan ng anim na porsiyento ang bilang ng napakulong nitong tiwali, korap at mandarambong na mga opisyal at kawani ng pamahalaan nitong nakalipas na taon.

Umabot lang sa 71 porsiyento ang napatunayan ng iba’t ibang korte, kabilang na ang Sandiganbayan, na lumabag at nagkasala sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, samantalang 77% noong 2017.

Pumalo sa 68% ang puntos ng napakulong ng Office of the Ombudsman noong 2016.

Ayon sa datos ng ahensiya, 627 ang bilang ng mga kasong dinisisyunan nitong 2018.

Sa 627, umabot sa 184 ang napawalang sala ng mga korte.

Kahit sa bilang ng mga kasong naisampa sa Sandiganbayan nitong 2018 ay umabot lang sa 698 – napakalayo sa 2,447 noong 2017.

Ang kabuuan ng kasong hinawakan ng Office of the Ombudsman nitong 2018 pa rin ay 5,044 lahat, samantalang 5,834 sa sinundang taon.

Tapos, nasa 2,243 lamang ang natapos na mga kaso kung saan 24% o 538 rito ang naisampa sa mga korte.

Ngayon, malinaw ang datos ng Office of the Ombudsman sa kapalpakang nagawa nito.

Hindi ko sisihin sinuman sa kanila, maging si Ombudsman Samuel Martires, dahil baka nga kapos na kapos ang matibay at malakas na mga ebidensya laban sa mga kaso ng tiwali, korap at mandarambong na mga opisyal at kawani ng pamahalaan, kaya hindi nila isinampa at inilaban sa mga korte.

Kaso, mismong numero ang nagsasabing humina ang “bagsik” ng Office of the Ombudsman, gayong napakatalamak ng katiwalian, korapsyon at pandarambong sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Naniniwala akong kailangan ng Office of the Ombudsman na palakasin at paghusayin ang puwersa nito, sapagkat ang mga sugapa sa pera ay walang tigil na nagpapakadalubhasa upang walang humpay nilang manakaw ang milyun-milyon hanggang bilyun-bilyong pondo ng pamahalaan. (Saliksik / NELSON S. BADILLA)

120

Related posts

Leave a Comment