MULING nakapagtala ng 25 namatay sa COVID-19 ang CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area nitong Abril 12.
Ayon sa ulat, sampu ang patay sa Caloocan City at 1,282 ang active cases. Umakyat na sa 21,221 ang confirmed cases sa lungsod, kung saan 19,315 na ang gumaling at 624 na ang namatay.
Sampu rin ang namatay sa Valenzuela City at 987 ang active cases matapos na 147 ang gumaling at 220 ang nagpositibo. Sumampa na sa 14,633 ang tinamaan ng COVID sa lungsod at sa bilang na ito ay 13,284 na ang gumaling at 362 na ang namatay.
Apat naman ang namatay sa Malabon City at 357 na ang COVID death toll sa lungsod. Habang 117 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 10,773 na ang positive cases sa lungsod, 795 dito ang active cases.
Sa kabilang banda, 108 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay nasa 9,621 ang recovered patients ng siyudad. Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangay Potrero dahil nagpositibo ang swab test ng isa sa mga ito sa ikalawang pagkakataon. Mula 1,016 ay magiging 1,015 na lamang ang mga gumaling sa naturang barangay.
Isa naman ang patay sa Navotas City at 1,140 ang active cases matapos na 118 ang gumaling at walo ang nagpositibo. Pumanhik na sa 9,465 ang nasapol ng pandemya sa lungsod, kung saan 8,048 na ang gumaling at 277 na ang namatay. (ALAIN AJERO)
