NANANATILI ang flood alert sa Eastern Visayas at Bicol region dahil pa rin sa epekto ng pananalasa ng Typhoon Bising na sinasabing nag-iwan ng anim na nasawi at nawawala.
Sinasabing hindi bababa sa tatlo ang kumpirmadong namatay bunsod ng ilang araw na pag-ulan dala ng Bagyong Bising sa Kabisayaan at Timong Katagalugan.
Nasawi ang 79-anyos na si Alberto Wales ng San Isidro Village matapos umanong madaganan ng natumbang puno ng niyog sa St. Bernard, Southern Leyte, ayon sa ulat ng regional Office of Civil Defense.
Dalawang babae rin ang iniulat na nasawi nang kapwa mabagsakan ng puno sa Polomolok, South Cotabato at Hagonoy, Davao del Sur habang may tatlong iniulat na nawawala.
Sa opisyal na record ng National Disaster Risk Reduction Management Council, may dalawang casualties silang naitala, isang 47-anyos na babae mula Region 7 sa Catmon, Cebu at isang 79-anyos na lalaki mula sa St. Bernard, Southern Leyte sa Region 8.
Habang may isang nawawala mula sa San Jose, Northern Samar at isa ang sugatan.
Samantala, ayon sa PAGASA, kabilang sa inaasahang makararanas ng malalakas na ulan ang Samar at Leyte provinces, pati na ang Biliran, Camarines provinces, Catanduanes, Albay, Masbate at Sorsogon.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 475 km sa silangan ng Infanta, Quezon.
Kumikilos ito ng napakabagal sa direksyong pahilaga hilagang kanluran taglay ang lakas na 175 kph at may pagbugsong 215 kph.
Signal No. 2 sa : Eastern portion ng Cagayan, eastern portion ng Isabela at Catanduanes.
Signal No. 1: Batanes, natitirang bahagi ng Cagayan kasama na ang Babuyan Islands, nalalabing bahagi ng Isabela, Quirino, Apayao, eastern portion ng Kalinga, eastern portion ng Mountain Province, eastern portion ng Ifugao, northern portion ng Aurora, eastern portion ng Quezon kasama na ang Polillo Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Northern Samar, northern portion ng Samar at northern portion ng Eastern Samar. (JESSE KABEL)
