ADIK, TULAK PUMALAG SA PARAK

SA ospital humantong ang isang umano’y manyakis na adik nang mang-agaw ng armas at mabaril ng pulis sa entrapment operation makaraang tangkaing gahasain ang isang dalagita na hindi niya nabuyong makipag-sex kapalit ng cellphone sa Caloocan City.

Itinakbo sa Caloocan City Medical Center ang suspek na si Angelito Mandap, ng #335 Libis Talisay, Brgy. 12, nasa drug watchlist ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat, dumulog sa pulisya ang 15-anyos na si alyas “Bekbek” matapos tangkaing gahasain ni Mandap ngunit hindi nahikayat ng suspek na makipagtalik sa kanya kapalit ng cellphone.

Matapos ang koordinasyon, isinagawa ang entrapment laban sa suspek at nang muli na namang pinipilit ni Mandap ang biktima na sila ay mag-sex ay nagkasundong magtagpo ang mga ito sa Libis Talisay St. ngunit pinalibutan ito ng mga pulis at inaresto.

Ngunit tinangkang agawin ng suspek ang service firearm ng isang pulis na nagresulta sa pagpambuno ng mga ito hanggang sa pumutok ang baril at tinamaan sa tiyan si Mandap na tumagos sa likod nito.

Samantala, patay ang isang umano’y tulak ng ilegal na droga matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation sa Malabon City noong Martes ng hapon.

Kinilala ni Malabon Police chief, Col. Joel Villanueva ang napatay na suspek na si Arnel Rabot, 23, residente sa #21 Interior, Brgy. Potrero.

Ayon kay Col. Villanueva, dakong alas-3:00 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Lt. Joseph Alcaraz, ng buy-bust operation kontra sa suspek sa bahay nito.

Nagawang makapagtransaksyon ni P/SSgt. Sembrero na umaktong poseur buyer, sa suspek ngunit nakatunog umano si Rabot na pulis ang kanyang katransaksyon.

Kaagad bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang poseur buyer naging dahilan upang mapilitang gumanti ng putok ang back-up na operatiba na si P/Cpl. Cabrera III na nagresulta ng kamatayan ni Rabot.

Nakuha ng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang isang cal. 38 revolver na kargado ng mga bala, limang plastic sachets ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalia. (ALAIN AJERO/FRANCIS SORIANO)

119

Related posts

Leave a Comment