MULING nadagdagan ng 11 namatay dahil sa COVID-19 ang CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area noong Abril 20.
Ayon sa ulat, lima ang namatay sa Caloocan City at 1,663 ang active cases. Pumalo na sa 23,702 ang kumpirmadong kaso sa lungsod, kung saan 21,364 na ang gumaling at 675 na ang namatay.
Tatlo naman ang patay sa Valenzuela City at 1,054 ang active cases makaraang 138 ang gumaling at 104 ang nagpositibo.
Sumampa na sa 15,893 ang tinamaan ng COVID sa lungsod at sa bilang na ito ay 14,454 na ang gumaling at 385 ang namatay.
Dalawa naman ang namatay sa Navotas City at 945 ang active cases matapos na 160 ang gumaling at pito ang nagpositibo.
Umakyat na sa 9,932 ang nasapol ng pandemya sa siyudad at sa bilang na ito ay 8,679 na ang nakarekober at 308 na ang namatay.
Kaugnay nito, para mapabilis ang pagbabakuna kontra pandemya, pwede na sa Navotas ang walk-in vaccination, ayon kay Mayor Toby Tiangco, na muling hinimok ang mga gustong mabakunahan na magparehistro sa https://covax.navotas.gov.ph/
Samantala, isa ang patay sa Malabon City at 377 na ang COVID death toll sa siyudad. Habang 65 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 11,498 na ang positive cases, 709 dito ang active cases.
Nakapagtala naman ng 83 gumaling at 10,412 na ang recovered patients. (ALAIN AJERO)
167
