WALANG plano ang Malacañang na iurong ang kanilang Executive Order (EO) 128 na pagpapabaha ng karne ng baboy sa Pilipinas para punan daw ang kakulangan ng supply na naging dahilan nang paglobo ng inflation rate sa mga nakaraang mga buwan.
Walang silbi ang mga resolusyon na nakatakdang ipasa ng Senado at Kamara para iurong ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil mayroon siyang veto power.
Pero hindi pinag-uusapan kung pagdating ba ng milyong milyong kilo ng karne ng baboy sa Pilipinas ay makakasiguro ba tayong mga consumers o ang mga mamimili ang makikinabang o hindi.
Walang pag-uusap kung magkano ibebenta ang karne na bibilhin ng mga negosyante sa ibang bansa sa lokal na merkado. Walang sinasabi kung magkakaroon ba ng price ceiling.
Bago nagkaroon ng krisis sa supply ng baboy na isinisisi sa African Swine Flu (ASF), hanggang P250 lang ang presyo nito kada kilo.
Maibabalik ba ang presyong ito kapag bumaha na ng imported meat sa Pinas.
Base sa mga pagdinig sa Kongreso, ang gastos ng mga meat importers sa bawat kilo ng karne na kanilang inaangkat sa ibang bansa ay P190 kasama na dyan ang 30 hanggang 40 percent na taripa,
Kasama sa EO 128 na ibaba ng 5 hanggang 15 percent ang taripa kaya ang laki ng matitipid ng mga meat importers.
Ang presyo ngayon ng karne ng baboy sa mga palengke ay P380 hanggang P420 kada kilo. Meron ngang report kamakailan lang na umaabot na raw P500 kada kilo na talagang hindi kaya ng mga ordinaryong tao.
Kaya nga hindi kasama ang karne ng baboy sa mga community pantries dahil masyadong mahal at hindi kaya ng mga donors at maging ang mga organizer ng ganitong uri ng pagtulong.
Kung ibebenta ang mga imported ng karne ng baboy sa mga palengke sa halagang P350 na lang kada kilo, maliwanag na P160 ang kita ng mga importers sa bawat kilo na aangkatin nila.
Kaya sa isang milyong kilo na dadalhin nila sa bansa, maliwanag na P160 Million ang kaniang kikitain. Sabihin na natin na kalahati lang dyan ang kita nila dahil hahatian nila ang mga retailers, malaki pa rin at hindi lang isang milyon ang ipaparating nila kundi daang milyong kilo.
Dapat hindi lang ang mga negosyante ang isipin ng gobyerno kundi ang mga consumers dahil sila ang dahilan kung bakit nila pinayagan umangkat ng karne ng baboy.
Isa pa, dapat siguraduhin ng mga meat inspector na COVID-19 free ang mga karneng aangkatin para masiguro na hindi malalagay sa panganib ang mga consumers at hindi lalala ang COVID-19 case sa ating bansa.
Napapansin ko, walang report na iniinspeksyon ang lahat ng mga kargamento lalo na ang pagkain kung COVID-19 free ba ito, tulad ng ginagawa ng ibang bansa.
Laganap ang COVID-19 sa buong mundo at walang kasiguraduhan kung malinis sa COVID-19 ang mga kargamento lalo na ang pagkain na aangkatin sa ibang bansa para punan ang kakakulangan ng supply sa ating bansa.
Ang tanong nga lang, meron bang sapat na kagamitan ang mga ahensya ng gobyerno na madetect ang virus sa mga pakete ng mga pagkain na inaangkat sa ibang bansa. Wala akong naririnig na report na meron silang ininspeksyon na nagpositibo o nagnegatibo sa COVID-19.
168 