QCPD NAGSARILI NG DISKARTE?

KUNG pagdududahan ang mga community pantry na isang pagtulong sa kapuwa ay itinayo diumano ng mga taong may koneksyon sa mga makakaliwang grupo, parang sinabi ng mga awtoridad na mas mabuti ang ginagawa ng mga ito kaysa sa kanila.

Ganun ba yun mga Sir?

Akalain mo ba namang pagdudahan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) si Ana Patricia Non na siyang pasimuno ng community pantry na may koneksyon daw sa partido komunista ng Pilipinas?

Saan kaya humugot ang mga mga pulis na ito ng kabobohan at bakit nila naisip ang ganung pananaw?

Ang tawag tuloy sa inyo ng nakararami ay mga paranoid. Ganun na ba kababaw ang inyong mga pananaw na pag may nagmalasakit sa kapwa ay gawain na ng makakaliwang grupo?

Kung sa panahon ngayon ay magkakanya-kanya tayo at hindi magtutulungan, saan kaya tayo pupulutin?

Simula nang ako ay magka-isip, wala po akong natatandaan na namigay ng pagkain sa komunidad ang makakaliwang grupo.

‘Di ba sila pa nga ang mga nang-aambush sa mga awtoridad na magdadala sana ng mga ayuda sa mga kanayunan?

Sila pa ang mga kumukuha o nanghihingi ng tinatawag na revolutionary tax sa mga ordinaryong mamamayan at mga negosyante sa mga kanayunan.

Hindi ba iniisip ng mga tauhan ng QCPD na may mga pamilya din sila na apektado ng pandemyang ito sa kasalukuyan?

Imbes na suportahan nyo ang mga magagandang gawain ng inyong kapwa ay pagdududahan pa ninyo ng masama. Kakampi ba kayo ng taumbayan o kalaban?

Sa Japan kapag may kalamidad, nagtutulung-tulong ang mga mamamayan ordinaryo man o mayayaman. Halos lahat sa kanila ay nagbibigay ng ambag sa kanilang mga kababayan.

Natatandaan ko pa nang tumama sa kanila ang malakas na lindol ilang taon na ang nakakaraan na nagdulot pa ng tsunami, nasaksihan sa kanila ang pagtutulungan para mabilis silang makabangon.

Naging karaniwan ng tanawin iyon sa Japan kaya kahit anong kalamidad ang tumama sa ­kanila, mabilis silang ­nakarerekober ­bagaman dumaan sa trahedya.

Dito sa Pilipinas kapag nakatutulong ka sa sarili mong ­kababayan ay agad kang babatuhin ng putik, gagawan ka ng isyu para masira ka sa iyong ginagawa.

Isa pang opisyal ang umeepal ngayon na kailangan daw kumuha ng permit ang mga magtatayo ng Community Pantry.

Iba rin si Sir, pagkakaperahan naman ang nasa utak niya. Para lang masama sa usapan ay umepal pa pero palpak naman ang hirit niya.

Magbigay ka na lang siguro ng pagkain sa mga Community Pantry kung gusto mo talagang masama ka sa usapan. Sasawsaw ka rin lang palpak pa yang panukala mo.

Nagaambag-ambag na nga lang ang taumbayan para makatulong sa nangangailangan pakukuhain mo pa sila ng permit?

Ay naku, ang daming epal!

Masyado nang malala ang pamumulitika sa Pilipinas dahil lahat na lang ay nilalagyan ng kulay at pati panahon ng pandemya ay hindi pinaliligtas.

Pero para sa ating mga kababayan na gustong tumulong, kung wala naman kayong nilalabag na batas sa inyong mga ginagawa huwag po kayo papipigil kahit na kanino pa.

Mas marami pa rin ang mga nasa gobyerno na may matinong pag-iisip na maaari nating maging kakampi lalo na sa panahon ng kagipitan.

Nagsalita na si Spox Harry Roque na pinasabi daw ni Pangulong Duterte sa kaniya na huwag pakialaman ang mga Community Pantry.

Nagsalita na rin si Department of the Interior and Local ­Government (DILG) Sec. ­Eduardo Ano at si PNP Chief Gen. Debold Sinas na wala silang kautusan na i-background check ang mga namumuno sa mga Community Pantry.

Kung ganun pala, gumagawa lang ng sariling diskarte ang mga tauhan ng QCPD, hindi pa sila sumusunod sa chain of command ng PNP?

Ang mga ganitong klaseng mga tauhan na hindi sumusunod sa pamunuan ay dapat bigyan ng kaparusahan para hindi sila nakakasira sa nakararami.

Hindi ba sila nahihiya sa iba nilang mga kasamahan sa PNP na nagsimula na ring mamigay at magtayo ng community pantry para sa mga taong kapus palad?

Sa panahon ngayon na popular at makapangyarihan ang social media ay hindi na kayo makakaligtas sa PUNA ng netizens masama man o mabuti ang inyong ginagawa.

Magkaisa po tayo, ‘wag po natin intrigahin ang tao na gustong magmalasakit sa kaniyang kapuwa.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

512

Related posts

Leave a Comment