PROCTORS, WATCHERS NG PRC PINASASAMA SA PRIORITY LIST NG BAKUNA

NANAWAGAN si Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na maisama ang mga frontliner ng Professional Regulation Commission (PRC) na kinabibilangan ng proctors at watchers sa mga board exam.

Isa ito sa mga nakikitang paraan ni Go upang matugunan ang kakulangan ng mga health professionals dahil nagkakaroon ng delay sa board exams bunsod ng pangamba sa kalusugan at kaligtasan ng mga tauhan ng PRC.

Ipinaliwanag ni Go na dapat ay maituturing na essential workers o nabibilang sa A4 priority group para sa COVID-19 vaccine ang mga miyembro ng PRC na nagsasagawa ng professional board exams.

Kaugnay nito, dapat lang ayon kay Go na protektado sila laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng bakuna upang makapagtrabaho nang maayos.

Kinumpirma naman ni Go na napag-usapan na nila nina Vaccine Czar Carlito Galvez at Health Secretary Francisco Duque ang mga concern ng PRC sa pagsasagawa ng nalalapit na board exams sa gitna ng iba’t ibang community quarantine restrictions na ipinatutupad sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Binigyang diin ni Go na totoong limitado ang galaw dahil sa pandemya pero dapat din aniyang balansehin ang pangangailangan ng bansa lalo na sa mga propesyon ng mga kababayan na maaaring mawalan ng hanapbuhay kung patuloy na maaantala ang operasyon ng PRC. (ESTONG REYES)

179

Related posts

Leave a Comment