CAVITE – Dalawa katao ang namatay, kabilang ang isang pulis-Muntinlupa, makaraang maaksidente sa motorsiklo sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang sina P/Corporal Lester Cruz, 37, nakatalaga sa Muntinlupa City Police Station, ng Blk. 130, Lot 1, Phase 4, Tierra Nevada, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City, at Eric Bagara, 24, binata, factory worker ng Brgy. Bagbag 1, Rosario, Cavite.
Ayon sa ulat ni P/CMSgt. Feliciano Garcia II ng Bacoor City Police, dakong alas-6:20 noong Linggo ng gabi nang mangyari ang insidente sa Daang Hari Road sa harapan ng Springville Meadows 2 Subd. sakop ng Brgy. Molino 4, Bacoor City, habang minamaneho ng nasabing pulis ang brown na motorsiklong Honda ACB 150.
Binabagtas ng pulis ang nasabing lugar ngunit pagsapit sa pataas na bahagi ng kalsada nang tumigil ang isang multicab upang magsakay ng pasahero.
Dahil dito, dumulas pakanang bahagi ng kalsada ang motorsiklo ng biktima kaya tumilapon ito at malubhang nasugatan.
Isinugod sa South City Hospital and Medical Center ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon naman sa ulat ni Corporal Nikko Paul Barranco ng Tanza Police, patungo sa direksiyon ng Naic ang biktimang si Bagara sakay sa kanyang motorsiklong Kawasaki Rouser na may plakang NA74455.
Ngunit habang binabagtas ang Antero Soriano Highway sakop ng Brgy. Capipisa, Tanza, dakong alas-9:30 noong Linggo ng gabi nang sumalpok ito sa isang kongretong harang sa tabi ng kalsada.
Isinugod sa San Lazaro Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival. (SIGFRED ADSUARA)1
147
