MAHIGIT dalawang milyon pa lamang ang mga bagong botante para sa eleksyong 2022, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Kulang pa ito upang makamit ang tudlang apat na milyong karagdagang botante, pahayag ng nasabing kagawaran.
Sa pinakabagong datos ng Comelec, umabot pa lamang sa 2,770,561 ang nagparehistro sa Comelec mula Setyembre 1 ng nakalipas na taon hanggang Abril 20.
Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ang nakakuha ng pinakamaraming bagong botante sa bilang na 396,529.
Sumunod ang National Capital Region (NCR) na 295,357 nagparehistrong botante; ikatlo ang Central Luzon sa 271,869 botante at Central Visayas na 202,370 ang nagparehistro.
Pinakamababa ang Cordillera Administrative Region (42,204), Caraga (87,892), Cagayan Valley (94,462) at Mimaropa (Mindoro provinces, Marinduque, Romblon, Palawan) na 96,180 ang mga nagsipagrehistro.
Umaasa ang Comelec na mabubuo ang tudlang apat na milyon sa pagtatapos ng voters’ registration sa Setyembre 30, isang buwan bago magsimula sa Oktubre 1 ang walong araw na paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan mula sa pagkapangulo hanggang konsehal ng bayan.
Sa Enero magsisimula ang kampanya sa pambansang halalan. (NELSON S. BADILLA)
125
