MAKATATANGGAP ang mga manggagawa ng P30,000 kung magkakaron ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang nagtatrabaho.
Iyan ang desisyon ng Employees Compensation Commission (ECC), ayon sa Board chairman nito na si Labor Secretary Silvestre Bello III.
Higit na mataas ang P30,000 bayad kumpara sa P10,000 bayad kapag nagkasakit habang nagtatrabaho.
Magkakabisa ang desisyon ng ECC kapag sinang-ayunan at nilagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte, banggit ni Bello.
Kapag ipinatupad na, kailangang magpakita ang manggagawa ng ebidensiya na siya ay nagkaroon ng COVID-19 habang gumaganap sa kanyang trabaho sa kumpanyang pinapasukan.
Ikinatuwa ng mga organisasyon ng mga manggagawa ang naisip ng ECC na hakbang pabor sa mga manggagawa.
Kaya umaasa ang mga organisasyon na hindi patatagalin ni Duterte ang paglagda sa pasya ng ECC. (NELSON S. BADILLA)
