COVID-19 SA INDIA NAKAAALARMA NA

KUNG mananatiling pasaway ang mga Pinoy ay hindi malayong matulad tayo sa bansang India.

Hindi biro ang daan-daang libong naitatala sa India na nahahawaan ng COVID-19.

Dalawa hanggang mahigit tatlong libo o pataas pa ang namamatay sa kanila dahil sa sakit na ito.

Nagkalat na ang mga patay sa kanilang bansa na mistulang mga basura na lamang kung sunugin ang mga bangkay.

Hindi na rin kayang ma-accommodate ng kanilang mga ospital ang mga may COVID-19 dahil sa dami ng mga nahahawaan araw-araw.

Mayroon na raw ­kasing bagong variant ng ­COVID-19 sa India kaya ito ang dahilan kaya biglang bumilis ang pagkalat ng virus sa kanila.

Bukod dito, marami ring mamamayan doon ang mga pasaway sinabayan pa ng bagong variant na mabilis na nakakahawa.

Kaya ayun biglang sumipa ang kaso ng ­COVID-19 sa India.

Nakakaawa sila ­ngayon dahil hindi na magkanda-ugaga ang mga tauhan ng kanilang gobyerno sa dami ng may COVID-19 sa kanilang mga kababayan.

Batay sa mga nakikitang video, kahit saang tahanan ay may makikita tayong nag-iiyakan dahil sa pagkamatay ng kanilang mga kamag-anak.

Kinakapos na rin ng mga oxygen ang bansang India na gagamitin ng kanilang mga pasyente na malala ang virus na kumapit sa kanila.

Ang India ay isa rin sa mga bansang gumagawa ng bakuna sa COVID-19, pero ganun pa man ­matinde ang tama sa kanila ng virus na ito.

Sa laki rin ng ­populasyon nila ay hindi na rin siguro makontrol ng gobyerno ang kanilang mga tao sa mga paglabas ng mga ito.

Kung magpapatuloy ang mga Pinoy na hindi susunod sa itinakdang minimum health standards na ipinatutupad ng ating pamahalaan ay baka matulad tayo sa India.

Nakikita kasi ng PUNA nitong nakaraan na ­pamimigay ng ayuda ng gobyerno ay hindi makontrol ang pagdagsa ng mga tao.

Hindi rin naipapatupad ng maayos ang pagsusuot ng face mask at face shield.

Maging ang mga isinasagawang community pantries tulad kamakailan nang dagsain ng maraming tao ang community pantry ng aktres na si Angel Locsin.

Nabalewala na ang physical distancing ay may isa pang senior citizen ang namatay dahil sa siksikan ng mga tao.

Ilan din sa mga dumalo sa community pantry ni Locsin ay nakitaan ng sintomas ng COVID-19 ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon.

May kaugalian pa man din ang mga Pinoy na kapag “walang leksyon ay hindi aaksyon”.

Ibig sabihin sige lang ng sige hangga’t kaya pa.

‘Wag po natin balewalain ang COVID-19, mas makabubuti pa na pagdudahan na may COVID-19 ang lahat ng ating mga nakakasalamuha, at para maging maingat tayo.

Ang hawaan na ngayon ay pami-pamilya base sa ating mga nakakausap na mga doktor.

Kaya kung hindi po tayo mag-iingat tayo na mismo ang magpapahamak sa ­ating mga kamag-anak.

Pag-uwi natin sa ­ating pamilya ang pasalubong natin sa kanila ay ­COVID-19.

Hindi po biro ang mga nangyayari ngayon sa bansang India dahil sa COVID-19.

‘Hindi pa po huli ang lahat, ngayon pa lang gawin na natin ang lahat para hindi na dumami pa ang COVID-19 sa Pilipinas.

Lahat na ay apektado, marami na ang namamatay sa mga Pinoy at marami na rin ang nagugutom sa atin ngayon.

Ngayon na tayo kumilos at mag-ingat.

Lord ingatan mo po kami, amen.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

265

Related posts

Leave a Comment