7 HULI SA DROGA SA VALENZUELA AT MALABON

PITONG drug suspek ang nadakip ng mga awtoridad sa magkahiwalay na buy-bust operation sa mga lungsod ng Malabon at Valenzuela.

Sa Malabon City, swak sa selda ang apat na drug personalities makaraang masakote sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya.

Kinilala ni Malabon Police chief, Col. Joel Villanueva ang arestadong mga suspek na sina Harold Arroyo, 47; Usha Tobias, 18; Sherwin Operario, 25, at Niño Cacnio, 44-anyos.

Ayon kay Col. Villanueva, dakong alas-12:05 ng madaling araw nitong Lunes nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Lt. Amadeo Tayag, ng buy-bust operation sa Maria Clara St. sa Brgy. Acacia na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang 12.77 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P86,836 ang halaga at buy bust-money.

Sa Valenzuela City, arestado ang tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang dalawang binatilyo, sa magkahiwalay na anti-drug operation ng pulisya noong Linggo.

Ayon sa report ni P/SSgt. Ana Liza Antonio kay Valenzuela Police chief, Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong alas-1:45 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na sina P/Cpl. Randy Canton at P/Cpl. Dario Dehitta sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo, ng buy-bust operation kontra kay Raul Pomelos, 31, ng Dulong Tangke St., Malinta na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nakumpiskahan ng tatlong gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P20,400 ang halaga at buy-bust money.

Dakong alas-4:30 ng hapon nang maaresto naman ng mga operatiba ng SDEU na sina P/Cpl. Kenneth Marcos at P/Cpl. Alfredo Mendoza, ang dalawang 17-anyos na binatilyo sa De Castro St., Brgy. Malinta makaraang itawag sa telepono ng isang concerned citizen hinggil sa drug activities sa lugar.

Ayon kay P/SMS. Fortunato Candido, nakuha sa dalawang binatilyo ang 15 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana with fruiting tops na tinatayang P1,800 ang halaga. (FRANCIS SORIANO)

165

Related posts

Leave a Comment