MASBATE – Bitbit ang kanilang mga sandata, 15 miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang nagbalik-loob sa gobyerno sa lalawigang ito.
Ito ang napag-alaman mula sa punong himpilan ng Philippine Army sa pamamagitan ng 903rd Infantry Brigade, 2nd Infantry Battalion (2IB), 96th MICO at PNP-Police Regional Office 5 (PRO5) sa pamumuno ni P/BGen. Jonnel C. Estomo.
Walo sa mga nagsalong ng sandata ay mga regular na miyembro ng New People’s Army (NPA) habang pito naman ang mula sa Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL).
Kasamang isinuko ng mga rebelde ang siyam na iba’t ibang kalibre ng baril gaya ng M16 rifle, AR15 rifle, homemade carbine, apat na homemade shotgun, caliber .38 revolver at caliber 357 revolver.
Ayon sa mga sumuko na ikinokonsidera na bilang former rebels (FRs), sawa na sila sa labis na hirap, gutom at pang-aabusong nararanasan nila sa loob ng teroristang grupo.
Labis din ang kanilang pasasalamat sa Army at PNP na tumulong sa kanila sa pagsuko para makapagbagong buhay.
“Na-eksperyensya na po namon na safety ang pag-surrender. Sa ada pa sa bukid sa mga NPA, ginaanyayahan ko po na mag-surrender na man,” pahayag ni Ka Dennis.
[Naranasan po namin na safe ang pag-surrender. Sa mga nasa bundok pa na mga NPA, inaanyayahan ko kayo na sumuko na rin.]Ayon kay Lt. Col. Siegfried Felipe Awichen, Battalion commander ng 2IB, isasailalim na agad sila sa proseso ng reintegration program kasabay ng pag-enroll sa kanila sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Sa ilalim ng E-CLIP, ang nasabing FRs ay makatatanggap ng cash, livelihood, housing, medical at educational assistance habang mabibigyan naman ng dagdag na firearms remuneration ang mga nagsuko ng armas.
Binigyang diin naman ni Col. Aldwine Almase, Brigade commander ng 903rd Infantry Brigade, na ang patuloy na pagsuko ng mga miyembro at tagasuporta ng CTG ay malaking dagok sa teroristang grupo.
Samantala, ayon kay MGen. Henry A. Robinson Jr., PA, commander ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB), ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga miyembro ng CTG na nagbabalik-loob sa pamahalaan ay patunay na epektibo ang implementasyon ng Executive Order No. 70 (EO 70) o ang Whole-of-Nation Approach na siyang lumikha ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). (JESSE KABEL)
330
