SUKDULAN na ang pambabastos na nararanasan ng isang OFW na nasa Dammam, Saudi Arabia sa kamay ng kanyang manyakis na amo.
Sa video na ipinarating sa akin ni OFW Advocate Rodel Cabinga ay kitang-kita ang pagpaparaos ng isang Arabong amo sa kawawang OFW.
Mabuti na lamang at nakuhanan ng OFW ang kahalayang ginagawa ng kanyang amo sa pamamagitan ng kanyang celfone na kanyang itinago sa gilid ng kanyang kama habang ang manyakis na amo ay “nagsasariling sikap at nagpaparaos” sa mismong harap niya at sa loob pa mismo ng kanyang kuwarto.
Hindi pa roon nagtapos ang kabastusan ng kanyang amo, dahil ng hindi ito makaraos ay bigla nitong sinunggaban ang takot na takot na kababayan natin.
Ang OFW na nakilalang si Sara Polo ay nakarating sa Dammam , Saudi Arabia sa pamamagitan ng ahensya sa Pilipinas na I-Excell Manpower Corporation.
Ang employer na nagtangkang humalay sa kanya ay hindi naman ang kanyang tunay na amo na nakasulat sa kontrata, bagkus, siya ay inilipat lamang kapalit ng halaga o kabayaran ng kanyang unang employer.
Maging ang pangalan ng among manyakis ay hindi niya alam dahil bago pa lamang siya nailipat ng kanyang unang employer.
Ang ahensya ni OFW Sara sa Saudi Arabia ay ang Lahda Shuruq Recruitment Office na nasa Olaya Village, Saudi Arabia na tila walang nalalaman sa kanyang kasalukuyang kalagayan.
Ayon pa kay OFW Sara mula sa kanyang amo na nasa Dammam Saudi Arabia ay inilipat ito sa Jeddah na kung saan ay dun na naganap ang kanyang masamang karanasan mula sa kanyang among manyakis.
Sa ikalawang video na ipinadala ni OFW Sara sa pamamagitan ni Advocate Rodel Cabingan, ito ay umiiyak na at lubhang nakikiusap na siya ay matulungan na makatakas mula sa kanyang bagong amo.
Agad na ipinadala ng AKOOFW ang lahat ng video at impormasyon na aking natanggap sa ating OWWA Overseas Operation Head na si Director Connie Marquez upang agad na makipag-ugnayan ito sa Philippine Embassy Assistance to National Unit.
Ang AKOOFW ay nanawagan din sa kanyang ahensya na I-Excell Manpower Corporation upang agarang mabigyan ng tulong si OFW Sara para mailayo sa mas lalong kapahamakan ang kaawa-awang OFW.
Ang detalye ng kanyang sumbong ay agad din natin naiparating sa Philippine Overseas Employment Administrtation Repatriation Unit upang maging mas mabilis ang pagtulong at pagsaklolo kay OFW Sara na tubong Kidapawan, South Cotabato.
Lubha akong nahahabag sa mga kapwa ko OFW lalo na ang mga kababaihan na ang tanging layunin lamang sa pagtungo sa ibang bansa ay para lamang matulungan ang kanilang pamilya.
Sa itsura pa lamang ni OFW Sara ay banaag mo na siya ay bata pa at mas malamang na ang tanging layunin lamang ay matulungan ang kanyang mga magulang, ngunit sa kasamaang palad ay napunta sa isang walang puso at manyakis na employer.
Kung kaya nga ang AKOOFW ay paulit-ulit na nanawagan sa lahat ng mga recruitment agencies na maglaan ng mga tauhan upang regular na makamusta o mamonitor ang kanilang mga dinideploy na mga manggagawa.
Hindi mapapagod ang AKOOFW para magbigay ng paalala sa mga ahensya at maging sa mga nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa na piliin nila ang mga ahensya na may magandang “track record” sa pagmo-monitor sa kanilang mga manggagawa sa ibayong dagat.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
306
