INATASAN ni Interior Secretary Eduardo Año ang lahat ng hepe ng pamahalaang lokal na siguraduhing walang mangyayaring kahit anong klaseng mass gathering sa kanilang nasasakupan.
Tiniyak ni Año na sasampahan ng kaukulang kaso ang local chief executives (LCEs) na madidiskubre ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pabaya sa pagpapatupad ng patakarang “no mass gatherings” sa panahong taas-baba ang bilang ng mamamayang tinatamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang mensahe ni Año ay nakasaad sa inisyu niyang DILG- Memorandum Circular (MC) No. 2021-050.
Ang memorandum ay pagsunod at pagpapatupad sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga lumalabag sa protokol laban sa COVID-19.
Nakumbinsi si Duterte ng mga eksperto sa kalusugan na ang mass gathering at hindi pagsunod sa minimum health protocols ay malaki ang inaambag sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19, partikular sa National Capital Region (NCR).
Ani Año: “Any violation of the prohibitions in the Omnibus Guidelines shall constitute non-cooperation of the person or entities which is punishable under Section 9, paragraph 9d) or (e) of Republic Act No. 11332 and its implementing Rules and Regulations (IRR)”.
“Dereliction of duty based on Article 208 of the Revised Penal Code” ang ikakaso sa LCEs na babalewalain ang utos ng DILG alinsunod sa direktiba ni Duterte patungkol sa pagtitipon ng mga tao sa kani-kanilang nasasakupan, diin ng kalihim. (NELSON S. BADILLA)
