SINIMULAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbabakuna sa kanilang mga empleyado nitong Martes.
Ayon kay House of Representatives Covax head at Bataan Rep. Jose Enrique “Joet” Garcia II, unang binabakunahan ang mga empleyado na kabilang sa A2 o senior citizens at people with disabilities (PWDs) at A3 o ang mga maysakit.
Nangilan-ngilan lamang ang health officials at staff ng Kamara na nasa A1 category kaya isinama na ang A2 at A3 ngunit hindi sinabi ni Garcia kung ilan ang mga ito.
Ang Kamara ay mayroong mahigit 2,000 empleyado kasama na ang mga staff ng mga congressman, bukod sa mga ito ay maaari silang magbitbit ng apat sa kanilang pamilya upang mabakunahan din.
Hindi tulad ng Senado na Sputnik V vaccines ang ibinakuna sa kanilang mga empleyado at opisyales, Sinovac na gawa ng China ang itinurok naman sa mga manggagawa sa Kamara.
Walang ibinigay na impormasyon si Garcia kung ilang Sinovac doses ang nakuha ng mga ito mula sa national government.
Magugunitang unang inanunsyo ng Kamara na naglaan ang mga ito ng P50 million para sa bakuna at unang tinarget na bumili ng AstraZeneca vaccines.
Gayunpaman, hindi ito natuloy upang hindi umano maagawan ang local government units (LGUs) dahil sa limitadong supply, kaya nag-order na lamang ng NOVAVAX.
Nakatakdang dumating ang 60,000 doses ng NOVAVAX sa Hulyo hanggang Agosto 2021. (BERNARD TAGUINOD)
156
