(BERNARD TAGUINOD)
UMAPELA ang ilang mambabatas sa Kamara sa mga private school na huwag munang magtaas ng tuition fees sa susunod na school year dahil hindi pa nakababangon ang mga tao sa pandemya sa COVID-19.
“Nakikiusap ako sa lahat ng private schools na huwag magtaas o magdagdag ng school fees ngayong 2021 at sa 2022,” ayon kay Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil mistulang walang plano ang mga private school na hindi magtaas ng tuition fees sa School Year (SY) 2021-2022 sa gitna ng pandemya.
Ayon sa mambabatas, hindi lamang ang mahihirap na mamamayan ang labis na naaapektuhan sa pandemya dahil kahit ang mga middle class ay labis ding nahirapan.
Dahil dito, inatasan ng mambabatas ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na himukin ang mga private school na huwag magtaas ng tuition fees at iba pang bayarin sa eskuwelahan.
“I appeal to the DepEd, CHEd, TESDA, and all schools under their regulatory domain not to increase any of their school fees, so as not to add to the suffering of the Filipino people when they start enrolling students for the next academic year,” ayon naman kay AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr.
Nangangamba ang mambabatas na mas lalong mawawalan ng estudyante ang mga private school kapag nagtaas ang mga ito ng tuition fees at iba pang bayarin sa susunod na school year dahil sa kalagayang pinansyal ngayon ng mga tao.
Magugunita na maraming private schools ang nagsara o kaya nagbawas ng empleyado dahil sa mababang enrollees sa gitna ng kawalan ng income ng maraming mamamayan dulot ng pandemya.
Gayunpaman, inatasan ng dalawang mambabatas ang DepEd at CHEd at maging ang iba pang ahensya ng gobyerno na tulungan ang mga private school kapalit ng moratorium sa tuition fees, sa pamamagitan ng pagbabawas sa kanilang binabayarang buwis, pagsagot sa bahagi ng suweldo ng kanilang mga guro at iba pa.
