2 KRITIKAL SA PAMAMARIL SA NAVOTAS, MALABON

DALAWANG lalaki ang nasa malubhang kalagayan makaraang mabiktima ng pamamaril noong Martes sa magkahiwalay na lugar sa mga lungsod ng Malabon at Navotas.

Nasa kritikal pa ring kalagayan sa Tondo Medical Center si Lucino Laguros, 54, tricycle driver at naninirahan sa Area 3, Labahita St., Brgy. Longos, Malabon City sanhi ng mga tama ng bala ng hindi pa natukoy na kalibre ng baril, sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa ulat ng tanggapan ni Navotas Police chief, P/Col. Dexter Ollaging, habang nakahiga ang biktima sa motorsiklo ng kanyang tricycle sa Lapu-Lapu Ave., Brgy. NBBS Kaunlaran dakong alas-8:30 ng gabi noong Miyerkoles nang bigla itong pagbabarilin ng isa sa dalawang sakay ng motorsiklo at nasaksihan pa mismo ng 46-anyos nitong kinakasama na si Lerma Astillo.

Ayon kay P/Col. Ollaging, nagsasagawa sila ng follow-up operation upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek para sa agarang pagdakip sa mga ito habang inaalam ang motibo sa krimen.

Una rito, dakong alas-3:00 ng madaling araw noong Miyerkoles nang barilin sa kanang mata ng isang alyas “Tyrone” ang 18-anyos na si Vincent Revidad ng Block 49, Alupihang Dagat St., Brgy. Longos habang sumasalok ng tubig sa labas ng kanilang tirahan.

Kaagad isinugod ng kanyang mga kaanak ang biktima sa Ospital ng Malabon ngunit inilipat sa Jose Reyes Memorial and Medical Center upang isailalim sa operasyon.

Ayon kay Malabon police chief, P/Col. Joel Villanueva, bago nangyari ang pamamaril ay nagkaroon ng rambulan ang dalawang grupo ng kalalakihan sa lugar.

Posibleng aniyang napagkamalang kaaway ang biktima na tiyempo namang lumabas ng kanilang bahay para sumalok ng tubig.

Tinutugis ng pulisya ang suspek upang papanagutin sa krimen. (FRANCIS SORIANO)

126

Related posts

Leave a Comment