PINATIBAY ng panibagong magkahiwalay na drug operation ng yunit ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Mayo 14 ang ebidensiya na mayroong operasyon laban sa ilegal na droga ang dalawang ahensiya nang walang koordinasyon at kooperasyon sa isa’t isa.
Taliwas sa diwa at layunin ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kawalan ng koordinasyon at kooperasyon ng PDEA at PNP kaugnay sa paglaban at pagsugpo nito sa ilegal na droga.
Higit sa lahat, kontra sa nilalaman at mithiin ng parehong batas ang magkabarilan hanggang magkapatayan ang mga tauhan ng PDEA at PNP bunga ng kanya-kanyang paglulunsad ng ‘lehitimo’ at ‘otorisadong’ operasyon laban sa mga drug pusher at adik.
Ang magkahiwalay at magkaibang drug operation ng yunit ng PDEA sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) at ng mga tauhan ng Drug Enforcement Group (DEU) ng Quezon City Police District (QCPD) Police Station-4 nitong Pebrero 14, Biyernes, sa isang parking area sa Fairview, Quezon City ay muntik na namang magkabarilan at magkapatayan.
Hindi nagkabarilan ang mga tauhan ng DEU ng QCPD-Police Station 4 at mga ahente ng PDEA-Calabarzon dahil agad nagpakilala sa isa’t isa na sila ay parehong mga alagad ng batas.
Nagkalabasan din kaagad ang dalawang pangkat ng kani-kanilang dokumento na nagpapatunay umano na pareho silang mayroong lehitimong drug operation sa isang parking area na malapit sa Fairview, Quezon City.
Kaya, hindi nauwi sa pagbabarilan ang pagtatagpo ng dalawang pangkat.
Ngunit, kung sisipating mabuti ay mapagtatantong napakalinaw ng ebidensiya na walang kasama ang QCPD-PS 4 na mga tauhan ng yunit ng PDEA sa Quezon City, o National Capital Region (NCR), bilang patunay na mayroong koordinasyon at kooperasyon ang QCPD at PDEA laban sa tudla nilang drug pusher.
Sa kabilang banda, walang kasama ang mga ahente ng PDEA-Calabarzon na mga pulis ng PNP-Calabarzon.
Inayos na ng pamunuan ng PDEA, sa pangunguna ni Director General Wilkins Villanueva, at pamunuan ng PNP, sa pangunguna naman ni General Guillermo Lorenzo Eleazar ang problema sa anti-drug operations ng dalawang armadong yunit ng pamahalaan.
Nagkasundo sina Villanueva at Eleazar na magkaroon ng iisang mukha ng “rules of engagement” ang PDEA at PNP laban sa ilegal na droga.
Ang muntik na namang pagsasagupa ng mga tauhan ng dalawang ahensya ay sa kabila na hindi pa nareresolba o nabibigyang linaw ang imbestigasyon sa naunang engkwentro ng mga ito noong Pebrero 24 sa tapat ng food chain sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ang patayan ng dalawang pangkat ng mga alagad ng batas noong nasabing petsa ang unang insidente na naibalita sa media na walang koordinasyon at kooperasyon ang PDEA at PNP, partikular ang QCPD.
Matatandaang pinatahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PDEA at PNP hinggil sa kontrobersiya.
Hinarang din ni Duterte ang magkahiwalay na imbestigasyon ng Senado at Kamara de Representantes upang huwag nang lumaki pa ang hidwaan ng PDEA at PNP.
Sa halip, inatasan ni Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa engkuwentro.
Ginampanan ng NBI ang ipinagawa ng pangulo.
Ngunit, kalahatian na ng Mayo ay hindi pa inilalabas ng NBI ang resulta ng imbestigasyon.
Ilang araw na lang ay tatlong buwan na mula nang maganap ang engkuwentro, ngunit ang ipinangako ni Justice Secretary Menardo
Guevarra kamakailan na ilalabas na ang resulta ng imbestigasyon ng NBI ay hindi pa natutupad.
Hindi tuloy alam ng media kung ano ang eksaktong ibabalita sa publiko hinggil sa kontrobersiyal na drug operation na ang target ay isang “James Tan”. (NELSON S. BADILLA)
180 