POSIBLENG pagmulan ng kaguluhan ng bawat pamilya ang isinusulong ng Kamara na pamamahagi ng P1,000 kada tao sa ilalim ng Bayanihan 3.
Nakapanlulumo, ani dating House Speaker at Taguig City Representative Alan Peter Cayetano sakaling matuloy ang panukalang ito ng liderato ng Kamara dahil unang-una, sa halip na mahawakan ng isang haligi ng tahanan ang mas malaking halaga na maaari itong gamitin sa negosyo ay agad itong mapapasakamay ng anak na imposibleng ibigay sa magulang dahil sa kanila ang perang ibinigay.
Inihalimbawa ni Rep. Cayetano ang isang pamilya na may tatlo o apat na anak na malayong makapagsimula ng kahit maliit na negosyo sakaling maibigay na sa kanila ang sinasabing P1,000 kada tao at siguradong kukunin ng magulang ang parte ng bawat anak lalo’t malalaki na ang mga ito.
Kaya naman nais ng mambabatas na ang inihain niya at ng powerful BTS ng Kongreso na P10K Ayuda Bill ang siyang ipatupad sa pamamahagi ng tulong sa bawat pamilya. Subalit hindi ito kabilang sa pinagsamang bersiyon ng House committee on economic affairs sa panukalang Bayanihan 3.
Handa si Cayetano na alisin sa kanya ang kredito ng P10k Ayuda Bill pati na rin ang mga kaalyado niya sa BTS group sa Kongreso sakaling ipatupad ito ng kasalukuyang liderato ng Kamara sa pamamahagi ng ayuda sa bawat mahihirap na pamilya.
Samantala, patuloy ang paglakas ng suporta para sa P10K Ayuda Bill habang patuloy rin sa pamamahagi ang dating Speaker ng P10,000 cash assistance kung saan kamakalawa ay may 300 benepisyaryo sa Distrito 1 hanggang 4 ng lalawigan ng Laguna ang nabahaginan.
Matatandaang inihain ni Cayetano at kanyang mga kaalyado ang 10K Ayuda Bill noong Pebrero sa layong mabigyan ng P10,000 ang bawat pamilyang Filipino o P1,500 bawat miyembro, alinman ang mas mataas.
Hinimok din nito ang publiko na sulatan ang kanilang mga kongresista at lokal na opisyal upang i-endorso ang 10K Ayuda Bill. (CESAR BARQUILLA)
205 