(BERNARD TAGUINOD)
ITINUTULAK ng minority bloc sa mababang kapulungan ng Kongreso ang polisiya na pipigil sa mga private school institution na magtaas ng tuition fees at iba pang bayarin sa eskuwela habang may pandemya.
Ayon sa nasabing grupo na pinamumunuan ni House minority leader Joseph Stephen “Caraps” Paduano, binubuo na ng mga ito ang resolusyon para sa “No Tuition Fee Increase Policy” habang nasa gitna ng pandemya ang bansa.
“The ongoing global Coronavirus (COVID-19) pandemic has brought the country to a catastrophic and unprecedented health and economic crisis that has claimed the lives of thousands of Filipinos and resulted in massive unemployment and extreme poverty,” ayon sa nasabing grupo.
Sa Labor Forces Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) anila noong Pebrero 2021, umaabot sa 8.8% ang unemployment rate na katumbas ng 4.2 million na walang trabaho sa bansa.
Maging ang Asian Development Bank ay iniulat na umaabot sa 20% ang poverty incident sa bansa na nangangahulungan na umaabot sa 22 million Filipinos ang nalugmok sa kahirapan.
“All of these could result in the deprivation of a substantial number of Filipino children and youth of access to education,” ayon sa minority bloc kaya dapat anilang magkaroon ng polisiya ang gobyerno na itigil ang pagtataas ng tuition fees at iba pang bayarin sa mga pribadong eskuwelahan.
Ginawa ng mga ito ang aksyon dahil kahit sa gitna ng pandemya noong nakaraang taon ay pinayagan ng Department of Education (DepEd) ang may 654 private elementary and secondary schools na magtaas ng tuition fees habang 400 colleges and universities naman ang nag-apply para sa tuition fee increase, ayon sa Commission on Higher Education (CHEd).
