Makaraang manakit ng traffic enforcer SHABU NADISKUBRE SA BAG NG MODELO

PATONG-PATONG na asunto ang kahaharapin ng isang 26-anyos na dalagang modelo makaraang madiskubre sa bag nito ang dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu matapos hulihin dahil sa traffic violations at pananakit sa isang traffic enforcer sa Malate, Manila noong Huwebes.

Binitbit din ang apat nitong kasamahan na lulan ng puting van na sinasabing mga tulak ng ilegal na droga noong Biyernes ng hapon sa Malate, Manila.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., hepe ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT), unang nakuha sa bag ng dalagang si Pauline Mae Altamirano, modelo, residente sa Unit 8E, Tres Palmas, Taguig City at sa #182 Rizal St., Rizal Village, Paciano Rizal, Calamba, Laguna, ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 5 gramo ng hinihinalang shabu.

Nagduda si Ibay kaya pinakuha nito ang cellphone ni Altamirano at dito nadiskubre ang mga larawan nito na gumagamit umano ng shabu at ang paghingi ng saklolo sa iba pang mga suspek para makuha ang kanyang bag na naglalaman umano ng ilegal na droga.

Bunsod nito, nakipag-ugnayan ang mga tauhan ni Ibay sa MPD-Drug Enforcement Unit at nagsagawa ng hiwalay na operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sina Rendor Sanchez, 30; Leopoldo Salamero, 20; Jason Dela Cruz, 29, at Marlon de Guzman, 29-anyos.

Sa ikinasang operasyon ng mga pulis, nakipagkita ang mga ito sa mga suspek bandang alas-3:45 ng hapon sa Cecelia Muñoz St. sa Ermita at nagpanggap na mga buyer.

Nang magkaabutan ng epektos at kabayaran ay agad inaresto ang mga suspek na nakumpiskahan ng 5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000.

Bunsod nito, si Altamirano at ang iba pang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Matatandaan, una nang kinasuhan ang modelo ng paglabag sa Section 19 ng RA 4136, Article 148 (Direct Assault) at Art. 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agent of Such Person) ng Revised Penal Code

Ito ay makaraang saktan ang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na si Marcos Anzures nang hulihin ang modelo sa traffic violations sa panulukan ng Osmeña Highway at San Andres St. sa Malate noong Huwebes ng umaga. (RENE CRISOSTOMO)

152

Related posts

Leave a Comment