UMAPELA ang isang mambabatas sa Kamara kay Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi na itigil muna ang pamumulitika at ituon ang atensyon sa problema ng supply ng kuryente.
Ginawa ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate ang apela kay Cusi dahil nagkukulang ang supply ng kuryente kaya isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa yellow at red alert ang Luzon grid noong Lunes.
“Yesterday (Lunes) that were yellow and red alerts. Today there is another red alert but this is worse than yesterday considering that
458MW is the deficiency of supply today versus 200MW yesterday, so this means double the brown out. Sana ang pagsolusyon dito ang inuuna ni Sec. Cusi hindi ‘yung bangayan sa partido nila para mas tumagal pa si Duterte sa poder,” ani Zarate.
Magugunitang noong Lunes ay pinangunahan ni Cusi, vice chairman ng PDP-Laban, ang party national assembly kung saan itinulak ng mga ito na tumakbo sa vice presidential race si Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.
Ayon sa mambabatas, mas kailangang bigyan ng pansin ni Cusi ang problema sa kakulangan ng supply ng kuryente dahil ito ang kailangan ng mga tao at hindi kung sino ang nais ng mga ito na patakbuhin sa susunod na eleksyon.
Sinabi ng mambabatas na mas malala ang kakulungan ng supply sa kuryente kung walang pandemya dahil maraming negosyo ang nagsara at limitado ang operasyon ng malls.
Dahil dito, naniniwala si Zarate na napapabayaan ni Cusi ang kanyang tungkulin dahil mas inuuna ng opisyal ang paghahanda sa 2022 election tulad ng ipinatawag nitong assembliya ng kanilang partido.
Samantala, nangangamba din ang mambabatas na ang pagnipis ng supply ng kuryente ay mangangahulugan ng pagtaas na singil sa kuryente kapag hindi ito agad naagapan. (BERNARD TAGUINOD)
123
