QUEZON – Patay ang isang construction worker habang sugatan ang dalawa nitong anak na angkas niya sa motorsiklo makaraang salpukin sila ng kasalubong na isa ring motorsiklo sa national road sa bayan ng Perez sa lalawigang ito noong Martes ng umaga.
Dead on arrival sa ospital ang biktimang si Felizardo Opulencia, 36, habang sugatan ang mga anak nitong sina Franchesca, 15, at Franchin, 9, pawang mga residente ng Barangay Camagong, sa bayan ng Alabat.
Batay sa report, dahil sa mabilis na takbo, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng kasalubong nilang motorsiklo na si Clinton Ignacio Refazo, 28, habang tinatahak ang highway sa Barangay Mainit Sur at natumbok nito ang sasakyan ng mag-aama.
Agad isinugod ang mga biktima sa Alabat Island District Hospital kung saan inoobserbahan pa ang magkapatid.
Naaresto naman ng mga pulis si Refazo at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ang multiple physical injuries. (NILOU DEL CARMEN)
236 